Homepage/Ang Astig Kong Bida/
Chapter 111
EXXEL ( pov )
Nag-aayos na ako ng mga gamit at handa nang umuwi. Dumadagundong ang dibdib ko dahil sa kaba. Wala akong lakas ng loob na pumuntang ospital ngayon nang hindi kasama si Anna. Sa kaniya lang ako kumukuha ng lakas para harapin ang sisimulang panibagong yugto ng buhay ko.
"Tara na Alcantara! Ako na magmamaneho!" Sigaw ni France sa labas ng laboratory. Napailing na lang ako dahil sa lakas ng boses niya. Pero kahit ganiyan ang ugali ni France, siya pa din ang nagpapasaya sa araw-araw namin ng mga kaibigan.
Alam ko namang kinakabahan din sila sa gagawin ko. Ipinaliwanag na sa'kin ni Doc. Ontoya kung paano ang mga gagawin bago ang theraphy. May mga side effect ang mga 'yun kaya nagdesisyon kaming pagkatapos na lang ng klase. Para kapag nagkataon, magpapahinga na lang ako. Araw-araw ang session na gagawin namin. Trenta minutos kada session. Lunes hanggang biyernes. P'wede pa naman akong pumasok pero kailangan ko ding ingatan ang sarili ko. Ayokong mabigo ang mga mahal ko sa buhay kapag nagkataon.
"Bakit ba lahat kayo nandito? Hindi pa naman ako ihahatid sa huling hantungan ... Aray ano ba?!" Hinimas ko ang likod ng ulo dahil sa pagbatok ni France, "Kapag lumala sakit ko at namatay ikaw una kong mumultuhin ... Isa pa Delgado! Bibigwasan na talaga kita!" Inulit kasi niya ang pagbatok sa'kin.
"Yang bunganga mo ilulublub ko sa bumubulang sabon para luminis! Maghunusdili ka nga Alcantara dahil hindi ka nakakatuwa!" Nakanguso akong nilingon ang ibang kaibigan. Tatawa-tawa lang silang pinapanuod kami ni France. Nandito din si Alisson. Pinakatitigan ko ang mukha niya, namimis ko na si Anna.
"Hindi tayo taĺo Alcantara kaya kilabutan ka sa mga tinginan mo. Sumbong kita kay Anna." nakayakap ang mga braso niya sa dibdib habang nandidiring nakatingin sa'kin. Inangat ko ang kamay at pinakita ang gitnang daliri bago nangunang maglakad pababa sa palapag.
"Hindi pa ba siya nagigising? Tatlong araw na. Namimis ko na siya," wala sa sariling sambit ko. Mabagal lang ang paglalakad ko. Hindi ko alam kung nakasunod ba sila sa'kin dahil hindi ko na sila nilingon pa.
"Magigising na din si Anna, bro. Huwag kang mag-alala, mas malakas pa yata sa kalabaw ang jowa mo. Ang alalahanin mo ngayon ay ang paggaling mo," hindi ko na binalingan si Anthony. Nakaakbay siya sa'kin at sinabayan na niya ang paglalakad ko.
Nasa baba na kami ng building nang masalubong namin si Sir Million. Wala siya kanina sa klase kaya nakakapagtakang nakita namin siya dito ngayon.
"Sir," sabay-sabay naming sambit. Ibang iba ang itsura niya ngayon. Magulo ang buhok niya. Halos hindi maayos ang pagkakasuot ng suot niyang uniporme. Nakapamulsa at walang buhay kaming tiningnan isa-isa.
"Kumusta ka Exxel? Si Anna?" Hindi kakikitaan ng kahit na anong emosyon ang mukha niya. Hindi tulad ng dati na kapag haharap siya sa'min ay ang lawak ng ngiti niya. Nakakapanibago.
"Okay naman na siya Sir. Nagpapahinga lang kaya hindi pa pumapasok," si Alisson sumagot sa tanong ng guro. Wala din kasi akong balak na kausapin siya ngayon. Hindi ko pa nakakalimutang pinagkaisahan nila kami, pero hindi ko din nakakalimutang niligtas niya ang buhay namin ni Anna.
"That's good to hear. Anyway, kailangan niyo pang mag-ingat ng mabuti. Hindi pa nahuhuli si Winner Padilla." bumuntong hininga ako dahil sa narinig. Alam ko namang gumagawa ng paraan ang mga kapatid ko para mahanap kung saan nagtatago si Padilla. Pinagtanong na namin siya sa adviser at mga kaklase niya kanina pero walang nakakaalam kung bakit hindi siya pumasok.
Ayaw ipaalam ng Pangulo sa buong eskwelahan o sa buong Pilipinas ang nangyari sa'min. Ayaw niyang guluhin siya ng mga media tungkol sa nangyari noon sa bayan ng Encarnacion. Lalabas ang mga taong involved kapag nagkataon. Hindi rin naman kami papayag na ibalita kami araw-araw dahil lang sa kinasangkutan naming gulo.
"Nandito lang kami sa labas bro," nakarating kami sa ospital na wala ako sa sarili. Sa dami ng tumatakbo sa isip ko, baka makaapekto 'to sa pagpapagaling ko. Sana naman hindi. Ayokong tumagal pa ang gamutang magaganap dahil lang sa nangyayari sa buhay namin ngayon.
Pinagpalit ako ng hospital gown. Pinahiga sa isang makina. Naririnig ko lang ang boses ni Doc. Ontoya sa monitor at sinusunod ang mga sinasabi niya. Ipinikit ko ang mga mata at sa pagpikit ko, dumaloy sa isip ko ang lahat ng pinagdaanan ko nitong nakaraang bumalik ako sa Pilipinas.
Nagulat na lang ako ng gumalaw ang kinahihigaan ko. Nang imulat ko ang mga mata, nasa gilid ko na si Doc. Ontoya at matamis na nakangiti sa'kin.
"Masaya akong pumayag ka ng magpagamot Exxel. Ituloy-ituloy natin 'to hanggang sa gumaling ka. Huwag lang pasaway okay? Para hindi mahirapan ang mga nag-aalaga sa'yo," sinundan ko kung saan niya binaling ang paningin. Nakita ko ang mga kaibigang nagkukumaway sa'kin. Ngumiti ako at tinanguan lang sila. Para silang mga timang.
"Grabe gano'n lang kadali ang theraphy? Akala ko ilang oras ka pa sa loob no'n e!" Umarangkada na naman ang boses ni France. Medyo nahihilo ako kaya humiram ang mga kaibigan ko ng wheelchair. Gano'n nila ako iginiya palabas ng ospital, "Nagugutom ako."
"Ayown naman pala! May bayad ang pagsama! Kung sapakin kaya kita ngayon na?" Sabat ni Alisson. Bilib din ako sa lalaking 'to. Kahit nag-aalala siya sa kapatid, naipagsasabay niya ang pagiging mabuting mag-aaral at kaibigan, "Hindi na ako sasama dahil nasa mansyon si kuya Neil."
"Sama kami!" Tinaas pa ni France ang isang braso. Kahit kailan talaga isip bata.
"Huwag na. Walang mag-uuwi kay Exxel." binalingan niya ako at nag-thumbs up pa siya.
"Ihahatid na lang kita," ngayon ko lang narinig magsalita si Vin. Hindi siya sumasama sa paghahanap kay Padilla dahil kailangan 'daw' niya kaming bantayan.
Tsk! Kaya naman naming makipaglaban!
"May dala akong sasakyan."
"Convoy."
"Huwag kang mapilit Cortez! Hindi tayo close!"
"Edi feeling close?"
"Ayaaaaaaaaan na naman kayo! Tigilan niyo nga ang pagbabangayan! Inaaraw-araw niyo na eh!" Sa aming lahat, si France ang refferee ng dalawa kapag nagsasagutan.
"Pagsabihan mo 'yang kaibigan mo! Una na ako. Ingat sa pag-uwi mga kupaaaaaal!" Nagmamadali na si Alisson pumasok sa kotse niya habang kumakaway.
"Aba't hoy! Anong kupaaaaaal?! Kuuuuutusan kaya kita diyan!" Sigaw ni France, pero pinaandar na ni Alisson ang kotse niya at mahaba pa siyang bumusina. Napailing na lang ako sa mga isip bata kong kaibigan.
Isip bata ako pero nahawa lang talaga ako sa kanila! Hehehehe
"Sundan ko. Hindi ako mapapakali kapag walang nagbabantay sa lalaking 'yun," hindi pa kami nakakasagot, nagmadali na ding lumapit sa kotse niya si Vin. Bumusina pa siya bago pinaandar ang sasakyan.
"Oh! Baka may mang-iwan pa diyan! Kasya pa isa!" Pang-aasar ni France na nakatingin siya kay Anthony. Napapailing na lang ako at kusa na akong tumayo sa may wheelchair. Kaya ko naman na. O.a lang talaga ang mga kaibigan ko.
"Sabi ko nagugutom ako pero hindi na naman mapapayapa ang tiyan ko nito hays!" Bubulong bulong siya sa likuran ko. Hindi ko na pinansin at pumasok na ako sa loob ng sasakyan. Kotse ko 'to pero si France ang magmamaneho.
"Ingat kayo. Sa likod niyo lang ako," saad ni Anthony. Dala rin niya kasi ang kotse niya. Si France lang talaga ang tamad magdala ng sasakyan. Nagpapasundo siya lagi sa kaibigan kapag papasok sa eskwelahan.
"Kumusta pakiramdam mo bro? May nararamdaman ka bang kakaiba?" Nasa daan na kami ng magbukas siya ng paksa. Nakatingin lang kasi ako sa labas ng bintana. Hindi ko alam kung bakit hindi ako madaldal ngayon. Marahil namimis ko lang talaga si Anna.
"Nahihilo lang kanina pero okay naman na."
"Nag-aalala ka pa din ba kay Anna? Kaya niya 'yun. Tsk! Ang lakas niya kaya!" Natawa ako sa eksaherado niyang pagkakasabi, "May sasabihin nga pala ako. Dapat hindi ko sasabihin 'to eh, pero sasabihin ko na din. Hindi kasi ako mapakali Exxel," do'n ko lang siya tiningnan. Nagtatanong ang mga mata kong pinagmamasdan siya. Nakatutuk ang paningin niya sa daan.
"Siguraduhin mo lang na may sense 'yang sasabihin mo Delgado, kung hindi sisipain kita palabas ng kotse ko!" Pasulyap-sulyap siya sa'kin. Nakangiwi siyang iniharang ang palad malapit sa mukha ko, "Ang baho ng kamay mo " iwinaksi ko naman 'yun at umayos na ulit ng upo.
"Seryoso ako Exxel," nakita ko kung paano niya tingnan ang rearview mirror at side mirror ng kotse. Ginaya ko naman siya, "Si Anthony kasi, parang kakaiba ang kinikilos niya nitong nakaraan eh. Hindi ko alam kung napapansin niyo, pero kasi napapansin ko." inalis ko ang tingin kay France. Humalukipkip at umingos pa.
Sabi ko na nga ba, walang sense ang mga sasabihin niya.
"Tsk! Seryoso ako Exxel. Ako ang lagi niyang kasama remember?"
"Oh tapos?"
"Tsk! Makinig ka muna kaya?" Nasa bayan na kami. Malapit na din ang bahay namin dito. Mukhang madami-dami pa siyang gustong sabihin sa'kin.
"Oo na. Sa bahay ka na kumain," ang lawak ng pagkakangiti niya. Sinasabi ko na nga ba pagkain ang habol ng kumag na 'to.
Nang huminto kami sa tapat ng gate. Tumunog ang mobile phone ni France. Pinakita pa niya sa'kin kung sino ang tumatawag. Si Anthony.
"Dito muna ako kay Exxel, una ka na." pinatay na niya agad ang tawag. Hindi ko alam kung anong problema nila ni Anthony, pero malalaman ko din naman mamaya.
Sabay na kaming bumaba ng sasakyan ay pumasok sa bahay. Hindi sana ako hihinto sa may sala dahil nakita kong nakaupo do'n si Mama pero ang lintik na si France, hinila ako at lumapit sa kaniya.
"Hi tita! Sinamahan namin ang anak niyo sa ospital kanina ..." nabitin ang ilang sasabihin ni France dahil marahas kong hinila ang kamay kong hawak niya. Walang alam si Mama tungkol sa sakit ko. Hindi ko alam kung sinabi ng mga kapatid ko sa kaniya pero ang alam ko wala siyang ideya sa sakit ko.
"Bakit? Nagpatingin ka ba dahil sa paggaling ng sakit mo noon, anak?" Hindi ako nakaimik. Ayoko ipaalam sa kaniya ang kalagayan ko ngayon dahil aakto siyang ina na naman sa akin. Hindi ko na nga alam kung paano siya pakikiharapan, maging malapit pa ulit kaya sa kaniya?
"Ahh tita, magbobonding lang ho kami nitong gwapo niyong anak," nagmamadali na naman akong hinila ni France paakyat ng hagdan. Wala sa sariling sumunod ako sa kaniya. Kahit kailan talaga napakadaldal.
Pagkalapat na pagkalapat pasara ng pinto sa kwarto ko. Pinagsisipa ko na si France.
"Sorry na! Hindi ko napigilan ang cute kong bibig kanina e! Tsaka nawala sa cute kong isip na hindi pala alam ni tita!" Iwas na iwas siya sa mga pagsugod ko sa kaniya. Pero ako na din ang kusang huminto. Medyo nanghina kasi ang mga tuhod ko kaya pabagsak akong humiga patihaya sa kama. Habang ang paningin ay nakalapat sa kisame.
Ilang segundo marahil akong nakatitig sa kisame ng hindi ko maramdaman si France sa loob ng kwarto. Paglingon ko bukas ang pinto.
"Pagkain na naman siguro inatupag no'n." kumilos na ako para makapagpalit ng damit. Pagpasok ko sa banyo, naramdaman kong parang hinahalukay ang sikmura ko. Napaluhod ako malapit sa may lababo, buti na lang naikapit kong mabuti ang kamay sa gilid no'n.
Nagduduwal ako. Hindi na ako nakaabot sa may toilet dahil hinang hina ang katawan ko para lumapit pa do'n. Mangiyak-ngiyak akong nagduduwal pa din kahit wala ng mailabas ang sikmura ko. Ang sakit na din ng lalamunan ko at nanginginig ang buong kalamnan ko.
"Exxel!" Naramdaman ko na lang na hinahagod ni France ang likod ko. Pero wala na talaga akong mailabas. Sumalampak ako sa sahig ng banyo. Hindi ko alintana ang maduming inuupuan ko. Hinang hina na ako at gusto ko ng mahiga kung p'wede. Sinandal ko na lang ang likod kay France habang hinahagod pa din niya ang likod ko.
"A-anong? Exxel? France? Anong nangyayari?!" Napapikit na lang ako sa nag-aalalang boses ni Mama. Alam ko namang hindi ko maitatago sa kaniya ang nangyayari sa'kin. Kalaunan ay malalaman at malalaman niya din.
"Bro aalalayan kitang tumayo okay? One, two, three!" inipon ko ang natitira kong lakas para hindi mahirapan si France na alalayan ako pabalik sa may kama. Nakapikit pa din ako habang dahan-dahang naglalakad. Nang maramdaman ang paglapat ng likod ko sa malambot na kama, hindi ko na alam ang sumunod na nangyari dahil nawalan na ako ng malay.
ANTHONY ( pov )
Alam kong may mga napapansin na sa'kin si France nitong nagdaang mga araw. Hindi ako palakibo, ni hindi ko siya kinakausap ng kaming dalawa lang. Lagi akong tulala at wala sa sarili.
Dumiretso ako sa bago kong tinitirahan pagkatapos kong iwan si France sa bahay nila Exxel. Mas mabuti na 'yung iniiwasan niya ako dahil ayokong gamitin siya sa'kin ng kapatid ko kapag nagkataon. Alam ko namang nagtatago na siya, dahil marami ng naghahanap sa kaniya. Ang balita ko pa, halos konti na lang ang nasasakupan niya dahil ang iba'y tumiwalag na.
"Akala mo ba habang buhay mo kong matatakasan Anthony?" Nabitin sa ere ang paglapat ng baso sa bibig ko. Napatitig na lang ako sa alak na nando'n bago unti-unting lumingon sa taong ayoko na sanang makita pa.
Blangko ang mukhang binalingan ko siya. Medyo nagulat ako sa itsura niya pero hindi ko pinahalata. Naaawa ako pero kasalanan naman niya kaya magdusa siya.
"Hindi ka ba mag-aalok kahit na tubig man lang Anthony? O baka pati 'yun ipagdamot mo pa sa'kin?" Tumayo ako at kumuha ng isang malamig na basong tubig. Hindi ko alam kung paano niya ako natuntun sa bagong tinitirahan ko. Wala pa naman akong pinagsasabihan. Maski mga kaibigan ko hindi alam kung saan 'to.
"Anong ginagawa mo dito?" Nakakangilong tawa ang narinig ko sa kaniya. Ibinaba niya ang baso sa tabi ng basong hawak ko kanina bago niya ako marahas na sinakmal. Sinandal sa pader at may nakakatakot na tingin ang pinukol sa'kin.
"Gusto kitang lagutan ng hininga ngayon Anthony dahil sa pagtatraydor mo! Pareho kayo ng kapatid mong guro! Mga anak na nga sa labas! Wala pang silbi sa pamilya!" Hindi ako pumapalag sa ginagawa niya sa'kin. Alam kong mahina na ang pundasyon niya ngayon. Hindi na siya makauwi sa poder ni tita Wanna dahil nakabantay na ang mga alagad ng batas sa bahay nila. Wala namang nakakaalam na kapatid ko si Winner at Million, kaya kampante akong hindi ako tinitiktikan ng mga pulis ngayon.
"Bitiwan mo ko," kalmado pa din akong nagsalita. Walang magagawa kapag sinabayan ko ang galit niya. Hindi naman ako galit sa kaniya dahil kapatid ko siya, galit ako sa sarili ko dahil hindi ko siya napilit na huwag ng maghiganti. Kinunsinti ko at tinulungan ko pa siya dati.
"Ha! Matapang ka na!? Dahil alam mong wala na akong laban!? P'wes sinasabi ko sa'yo Anthony! Babalik ako at wawasakin ko ang buhay mo! Buhay ng mga kaibigan mo! At higit sa lahat buhay ng Alcantara at Garcia na 'yun! Isama mo pa 'yang kapatid mong walang ginawa kundi kalabanin ako!" Kusa niyang tinanggal ang mga kamay sa pagkakasakmal niya sa'kin. Hindi ko na siya maintindihan ngayon. Iisipin ko na lang na nababaliw na siya dahil ang nasa isip lang niya ay paghihiganti. Hindi ba niya naisip na wala namang kinalaman si Exxel at Anna sa pagkamatay ng mga magulang niya?
"Tandaan mo 'to Anthony! Babalik ako at mamamatay kayong lahat sa harap ko! Alam kong nasa akin pa din ang huling halakhak!" Pinanuod ko siyang maglakad papuntang pintuan. Nakabukas lang 'yun kanina kaya siguro nakapasok siya ng walang kaingay-ingay.
Ayoko din namang mas lalong masira ang buhay ng kapatid ko. Ayokong ilagay niya ang kinakamit na hustisya sa kaniyang mga kamay. Gusto kong maging tahimik na ang buhay niya at maging masaya. 'Yung walang galit at paghihiganti.
"Nagtawag ka agad ng resbak Anthony?" Ang nakakalokong boses ni Winner ang nagpagising sa'kin sa mahabang pag-iisip. Nanlalaki ang mga mata ko sa nasasaksihan. Nakatutuk ang baril ni Vin kay Winner, habang ang huli nakangisi lang na pinaglilipat-lipat ang tingin samin ni Vin, "Lakas ng pang-amoy mo Cortez ah! Aso ka ba?"
Ang sama ng tingin ni Vin kay Winner habang nakatutuk pa din ang baril sa kapatid ko. Hindi ko inaasahan 'to. Wala akong pinagsabihan kung saan ako nakatira ngayon.
"Anong ginagawa mo dito? Tinatakot mo ba si Anthony?!" Dumagundong ang boses ni Vin sa loob ng bahay. Minsan ko lang makita ang ganitong awra ni Vin, kapag nasa panganib ang mga malalapit sa kaniya.
"Tinatakot? Nagpapatawa ka ba Cortez? Bakit ko naman tatakutin ang kapatid ko?" Lumikot ang mga mata ko. Gusto ko mang takpan ang bibig ni Winner para hindi na siya magsalita ay natulos na ako sa kinatatayuan ko. Ang dami-daming taong p'wede kaming makitang magkasama ni Winner bakit si Vin pa?
"Kapatid?" Binalingan ako ni Vin. Nagtatanong ang mga mata niyang tumitig sa'kin. Tikom na tikom ang mga labi kong halos ayokong magsalita. Natatakot akong sa'kin niya iputok ang baril na hawak kapag nagalit siya sa paglilihim ko sa kanila.
"Hindi ba nasabi sa inyo ng magaling kong kapatid na magkapatid kami?"
"Winner!" Nakangisi pa siya ng lingunin niya ako. Nakapamulsa lang ang dalawang kamay niya. Hindi natatakot sa hawak na baril ni Vin. Hindi mababakasan ng takot na baka mapatay siya ng lalaki dito.
"Hayaan mong magpakilala ako sa kaibigan mo Anthony, dahil sa nilihim mo naman sa kanila. Kusa ko na lang sasabihin na magkapatid tayo sa ama," nakakairita ang mahihinang tawang ginagawa niya. Binalingan ko si Vin, nagtataka pa din siya pero ang sama na din ng tingin niya sa'kin.
"Magpapaliwanag ..." hindi ko naituloy ang sasabihin ng binaba niya ang baril at sarkastiko siyang tumawa. Hindi ko alam kung naiiyak siya dahil kita ang mga mata niyang namamasa na.
"Hindi na. Hindi ako bobo para hindi ko maintindihan," nasasaktan ako sa mga tingin na pinupukol ngayon ng kaibigan. Nasasaktan ako dahil alam kong nasaktan ko siya, "Planado ang lahat ng 'to. No'ng niligtas ko kayo ni France sa mga taong bumubugbug sa inyo? Ano pang mga planado sa mga nangyari nitong nagkakagulo ang buhay natin Anthony?! Saan pa ang plinano niyo do'n?!" Nanginginig na ang mga kamay niyang nakatutuk ulit kay Winner ang baril. Kay Vin lang ako nakatingin kaya hindi ko na alam kung anong emosyon ang pinapakita sa mukha ng kapatid ko.
Gusto kong humingi ng tawad sa kaibigan. Na hindi ko naman sinasadya ang mga 'yun. Na gusto ko ng baguhin ang buhay ko at tulungan na lang siyang proteksyunan ang mga kaibigan namin, pero ni isang salita walang lumabas sa labi ko.
"Kaya pala parang laging may nakamasid sa paligid at alam ng kalaban ang nangyayari dahil may traydor sa buhay namin."
"Hindi sa gano'n Vin ..."
"Ano pa Anthony?! Ano pang kasinungalingan ang sasabihin mo? Ano pa? Para isang bagsakan na lang at hindi na humaba pa ang muhing nararamdaman ko sa'yo?!"
Parang tinutusok ng paulit-ulit ang dibdib ko sa sinasabi niya sa'kin ngayon. Nanghina ako. Nanghina ako dahil sa mismong bibig niya lumabas na kinamumuhian ako ng isa sa mga kaibigan ko. Paano pa kaya kung lahat sila galit na ang nararamdaman sa'kin? Kaya ko pa bang mabuhay? Kaya ko pa ba silang harapin? Kaya ko pa bang humingi ng kapatawaran mula sa kanila?
"Vin!" Nagmadali akong lumapit kay Vin dahil sa pagtumba niya. Pinalo siya ng kung ano sa likod kaya umingit siya sa sakit. Hindi ko alam kung hahawakan ba siya dahil natatakot akong hindi siya magpapatulong sa traydor na tulad ko.
"Isugod mo na agad ang kaibigan mo sa ospital baka mawalan ng baga 'yan!" Malakas na pagtawa ang huling narinig ko kay Winner. Hindi na ako nagdalawang isip na alalayang tumayo si Vin. Nang makita ko ang pagharurut ng sasakyan ni Winner paalis. Isa lang ang nasa isip ko.
Pagbabayaran niya ang lahat ng kasamaang ginagawa niya sa mga kaibigan ko.
Nang maiayos ko si Vin sa passenger's seat. Pinagmasdan ko ang mukha niya. Nakapikit man siya pero bakas sa mukha niyang sobrang sakit ng pagpalo sa likod niya. Kakagaling lang ng ulo niya ngayon may kasunod na.
"Bilisan mo na! Huwag ka ng matulala diyan! Mag-uusap pa tayo!" Nagmadali akong pinaandar ang sasakyan papuntang ospital. Ihahanda ko na din ang sarili sa pag-uusap na mangyayari sa'ming dalawa ng kaibigan.
Lord, ibulong niyo po sa kaibigan kong easy-han niya lang ang panenermon sa'kin mamaya.I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (40)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
subrang ganda kaya inaabot ako ng madaling araw mg basa
18/08/2022
0chapter one palang kapana panabik na sobrang exciting
21/05/2022
0. jfjxchbocyz
10/07/2024
0Tingnan Lahat