Chapter 95: Race

ACE POV
Nagtaka ako dahil hindi siya nagmamadali ngayon. Tuwing may lakad kami at siya ang nagmamaneho ay wala pang kalahating minuto ay nandoon na kami. Ngayon ay inabot kami ng dalawang oras at hindi ko na nasaulo ang daan dahil ang dami niyang dinaanan.
Mayamaya ay nagtaka ako dahil kumanan siya sa isang exclusive village. Mukhang madalas siya rito dahil nakilala siya ng guard at pinapasok agad kami.
"Barney, bakit nandito tayo? Akala ko racetrack ang pupuntahan natin?"
"Nandito kasi sa village na ito ang racetrack, Barney."
Namilog ang bibig ko at tatango-tango. "May kamag-anak ka ba rito? Pinapasok kasi agad tayo ng guard eh."
"Dito nakatira ang kapatid ni Naomi."
Si Jazz?
Nangunot ang noo ko dahil sa sinabi niya.
"Bakit sa inyo tumira si Naomi kung may bahay naman pala ang kapatid niya rito?"
"Mmmm... minsan lang kasi umuwi ang kapatid niya rito. Mas gusto niyang tumira sa amin kasi malapit lang sa school."
Magsasalita na sana ako nang maagaw ng atensyon ko ang Red spider lily flower na nasa gilid ng bawat kalsada. Nakakamangha dahil wala ka nang makikitang ibang bulaklak kundi iyon lang.
Saan ko nga ba nakita ang ganitong bulaklak?
Nangunot ang noo ko nang may makitang kakaiba. Pinakatitigan ko ang malaking wall na nakita ko na para bang may higanteng nakatira rito. Mayroon ding pulang ilaw na kumikislap sa itaas non. Parang may gubat pa roon dahil sa naglalakihang puno at iba't ibang klase ang mga iyon.
May factory ba rito?
Nakakapagtaka rin dahil wala akong nakikitang tao, malawak ang lugar at napakaganda. Wala rin akong nakikitang kalat sa paligid. Napakurap ako nang makaliko kami dahil bumungad sa amin ang isang malawak na field. Kamuntikan ko na rin itong pagkamalang paliparan. Kakatwang hanggang dito ay wala akong nakikitang tao.
Pinasok ni Barney ang kotse sa loob at huminto malapit sa starting line. Nilagpasan naman kami nina Naomi at Aevan at doon huminto sa mismong starting line.
"Nandito na tayo, Barney. Dito kami nangangarera ni Naomi, bali may siyam na likuan ito at pa-clockwise ang direksyon," paliwanag niya.
"Ang lawak dito, Barney. Bakit nga pala walang katao-tao rito?"
Bahagya siyang natawa bago ako tiningnan. "Ganito talaga rito, bilang lang kasi ang may alam na may ganito rito. Nakakalaban din namin ni Naomi ang may-ari ng village na ito at mahilig mangarera iyon kaya may race track dito."
Tatango-tango ako habang tumitingin sa paligid.
"Saglet, kakausapin ko sila."
Bubuksan na dapat niya ang pinto nang hawakan ko ang braso niya at hilahin siya palapit sa akin. Bumungisngis siya ng marahan ko siyang halikan sa labi. Umayos pa siya ng upo at tumugon na rin sa halik ko.
Hindi rin iyon nagtagal dahil tinapos ko na. Nakita ko pang magbago ang reaksyon niya at mukhang nabitin. Nanatili siyang nakatingin sa labi ko na para bang hinihintay akong halikan siya ulit.
"Bakit ang bilis? Isa pa, Barney," nakanguso niyang sabi at pinagpagan ang kwelyo ko.
"Mamaya na ulit, lumakad ka na roon, Barney."
Nagulat ako nang daklutin niya ang kwelyo ko at sunggaban ako ng halik.
Kailan nga ba siya nakuntento sa panandaliang halik?
Hindi na ako umalma at tumugon na rin sa halik niya. Mayamaya ay natigil siya nang may bumusina. Naging matunog pa ang buntong hininga niya bago tumingin sa mga mata ko.
"I love kissing you," malambing niyang sabi. Dinampian pa muna niya ako ng halik bago lumabas nang kotse.
Napabuga ako ng hangin at sinuklay ang buhok gamit ang daliri. Hindi ko rin mapigilang matawa habang tinitingnan si Barney na kinakausap sina Aevan. Ipinatong ko ang siko sa may bintana at hinawakan ang labi.
"You're making me crazy," nakangiti kong sabi.
Mayamaya ay tumingin sa akin si Barney. Nagtaka ako dahil tinuro niya ako, binaling din nina Naomi ang paningin sa akin at tatango-tango. Seryoso ang mukha nila at mukhang importante ang pinag-uusapan. Pagkatapos ay nakangiti siyang naglakad pabalik.
"Ano ang pinag-usapan ninyo?" Tanong ko pagkasakay niya.
"Mmm... sabi ko manunuod tayo at gusto kong manuod ng aksyon. Kung hindi, ililipat ko ang channel," seryoso niyang sabi.
Tumabingi ang ulo ko dahil hindi ko siya maintindihan.
"Hindi ko gets, Barney."
Tumingin siya sa akin at bahagyang natawa. "Gusto mo bang lagyan ko ng subtitle para maintindihan mo?"
Napanguso ako sa sinabi niya.
"Basta maiintindihan mo rin mamaya kapag napanuod mo sila," paniniguro niya.
Nagtaka ako dahil pinatunog niya ang makina ng sasakyan na para bang naghahamon siyang makipagkarera. Sinara rin niya ang bintana at binuksan ang aircon. Binaling ko ang paningin kina Naomi dahil ganoon din ang ginagawa nila.
Namilog ang bibig ko dahil umuusok na ang likod ng gulong nilang dalawa ni Aevan. Tumingin ako sa side mirror para tingnan ang usok na nagagawa ni Barney. Halos hindi ko na makita ang daan dahil sa kapal ng usok.
Mayamaya ay may inabot si Barney sa backseat habang ang paningin ay na kina Naomi. Nangunot muli ang noo ko nang mapagtantong blowhorn ang kinuha niya.
"Ready ka na ba, Barney?"
Tumango ako at ngumiti, "Paano nga pala natin papanuorin?"
Ginawaran niya ako ng matamis na ngiti, "Ayan ah... pinapanuod na natin sila."
"A-Akala ko papanuorin sa tv."
"Mas maganda kapag malapitan... takpan mo ang tainga mo, Barney," utos niya.
Agad kong tinakpan ang tainga ko nang buksan niya ang pinto ng kotse at ilabas ang kaliwa niyang kamay na may hawak na blowhorn. Nagulat pa ako sa lakas ng tunog. Umawang ang labi ko nang biglang humarurot sina Naomi at Aevan. Hindi na namin sila nakita kaya tumingin ako kay Barney.
"Buckle up," seryoso niyang sabi pagkasara ng pinto. Basta na lang din niyang tinapon sa backseat ang blowhorn.
Aabutin ko pa lang sana ang seatbelt nang biglang humarurot ng takbo si Barney. Bumilis ang tibok ng puso ko at agad na nag-seatbelt. Napakapit pa ako nang mahigpit sa belt dahil sa bilis ng patakbo ni Barney.
Tiningnan ko ang meter ni Tiger at nanlaki ang mga mata dahil lagpas na sa kalahati ang takbo namin. Naging sunod-sunod ang paglunok ko dahil mas lalo niya pang binilisan. Para akong aatakihin sa puso dahil nakita ko na ang kurba ng daan.
Binaling ko ang paningin sa kaniya nang mabilis niyang kinabig ang manibela pakaliwa. Mukhang dumulas pa ang gulong sa likod dahil nakagawa iyon nang makapal na usok. Nang tumingin ako sa daan ay natanaw ko sina Naomi sa 'di kalayuan.
Kumambiyo siya at humarurot ulit, hindi ako makapaniwalang naabutan namin sina Naomi. Nasa likod na nila kami at parang wala lang kay Barney ang ginagawa niya. Namangha ako dahil naunahan ni Aevan si Naomi. Pinatunog pa ni Naomi ang motor niya nang ilang beses bago humarurot at humabol kay Aevan.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa seatbelt nang makita kung paano lumiko si Aevan. Parang sasayad pa ang tuhod niya sa semento dahil sa ginawa niyang pagliko. Nahugot ko ang hininga dahil isang pagkakamali lang niya ay pwede siyang maaksidente. Ganoon din ang ginawa ni Naomi.
Nakahinga ako nang maluwag dahil nagawang lagpasan ni Aevan iyon. Hindi ko akalaing matututong mangarera si Aevan. Tiningnan ko si Barney dahil nanatili siyang tahimik. Napansin ko pang ako lang ang naka-seatbelt sa amin.
Parang ang duwag ko namang tingnan dahil ako lang ang naka-seatbelt.
Nagpakawala ako ng mabigat na hangin bago tanggalin ang seatbelt at umayos nang upo, napatingin pa siya sa akin at nginitian ako. Nakaliko kami nang maayos at naabutan ulit sina Naomi. Lumapit si Naomi kay Aevan at susuntukin dapat. Namangha ako kay Aevan dahil agad siyang umilag.
Bahagyang natawa si Barney dahil sumuntok sa ere si Naomi. Napailing pa si Naomi dahil ang layo na ni Aevan.
Humarurot ang sasakyan namin at nilagpasan si Naomi, balak yata niyang habulin si Aevan. Natanaw ko sa 'di kalayuan si Aevan at grabe ang kaniyang bilis, tumingin ako sa likod para tingnan si Naomi pero wala siya roon, umawang ang labi ko dahil nalagpasan na pala niya kami.
Umayos ako nang upo dahil si Naomi naman ang nauuna ngayon, humarurot si Aevan at kapantay na niya ng bilis si Naomi. Inatake ni Aevan si Naomi at nasasalag naman ni Naomi ang mga suntok niya.
Hindi ko akalaing kaya nilang maglaban kahit nakasakay sa motor, paano naituro ni Barney kay Aevan ang mga ganito?
Naramdaman ko pa ang pagbagal nang takbo ni Barney. Laking gulat ko nang tumayo si Aevan at itinaas ang unahang gulong ni Cobra, bali ang likod na gulong lang ang umaandar.
"Wow!"
Napahanga ako nang buong pwersa niyang inikot ang motor na parang gustong patamaan ang helmet ni Naomi. Parang nag-slow motion ang nangyari dahil humiga si Naomi sa upuan ng motor para hindi matamaan ng gulong ni Aevan ang helmet niya.
Grabe! Naibalanse pa rin ni Naomi ang motor niya, napakagaling!
Para namang nagbalerina si Aevan dahil nakabalik na siya sa pwesto niya matapos niyang paikutin ang motor. Humarurot na rin siya ng takbo at magkapantay na sila ni Naomi ngayon. Hindi ko alam kung sino ang nanalo dahil sabay silang nakarating sa finish line.
"Ang ganda ng view, 'di ba?" Nakangiting tanong ni Barney.
"Sobra... hindi ko akalaing mapapanuod ko sila nang malapitan."
Sabay kaming bumaba ni Barney at pinuntahan sina Naomi.
"Wooooh! That was totally awesome!" Sigaw ni Aevan at niyakap si Naomi.
"Cool huh? Pinahiya mo ako kanina!" nakangiwing sabi ni Naomi.
"Tss. sabi ko aksyon... bakit may kasamang comedy? Mahilig ka talagang manuntok sa ere," natatawang sabi ni Barney.
"Psh!"
"You're so cool kaya kanina nang humiga ka sa upuan," puri ni Aevan. Tatango-tango ako, kahit ako ay namangha sa ginawa niya.
"Psh, maliit na bagay!" Natatawang sabi ni Naomi.
"Ang galing ng estudyante ko ano, Barney?" Masayang sabi ni Barney.
"Sobra... hindi pa rin ako maka-move on sa nakita ko."
"I really like this, Kuya. Sana maranasan mo ito, ang cool grabe. Nakuhanan mo ba kami ng bidyo?"
Napakurap ako nang maalalang kailangan ko pala silang bidyuhan. Napakamot ako sa batok dahil nakalimutan ko na.
"N-Nakalimutan ko," nauutal kong sabi.
"Ehh! Ang sabi pa naman natin kina Mom ay bibidyuhan natin." Nakangusong sabi ni Aevan.
"Ulitin niyo na lang kaya iyong ginawa ninyo kanina?" Suhestiyon ko.
Napangiwi pa si Aevan dahil sa sinabi ko, "Easy for you to say, tss."
Nagpahinga na muna kami bago namin napagpasiyahang kumain. Doon namin napiling kumain sa isang sikat na restaurant at inabot na rin kami ng gabi. Nang maihatid nila kami sa bahay ay hinintay pa nila sina Sebastian para maiuwi ang kotse.
Nang makaalis sila ay hindi mawala sa isip ko ang mga nakita ko kanina sa village na iyon.
Itutuloy..

Komento sa Aklat (77)

  • avatar
    DacilloMarissa

    napaka ganda nya grabeee sana maging masaya sila sa ending iba talaga

    11/07/2022

      0
  • avatar
    Ashly Sabit

    it's good

    07/12

      0
  • avatar
    Renz Ian Libot

    thanks

    07/06/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata