logo text

KABANATA 20

UNANG nag-angat ng espada si Prinsipe James upang turuan si Vince.
"Sa paghawak ng espada, dapat konektado ito sa iyong pagkatao. Isipin mong iisa kayo- ng kakayahan, ng lakas at kapangyarihan. Isipin mong hindi lang ikaw ang humahawak kundi ang buong pagkatao. Lalo't ang pinanghahawakan mong espada ay hindi ordinaryo at mula sa pinakamagiting na mandirigma ng kasaysayan na nag-alay ng kanyang buhay upang mailigtas ka." Nang isalaysay at ipaliwanag iyon ng Prinsipe ay may tila karayom ang tumusok sa damdamin ng binata.
Hinugot niya ang espada na nasa baywang ay bahagyang itinaas na walang pangambang ipinapakita.
"Alam mo bang nakikita namin ang Haring Zion sa katauhan mo? Dahil ikaw ang magpapatuloy ng kanyang hindi natapos na misyon." Malakas na hinihampas ni Prinsipe James ang espada rito.
Mabilis din namang sinalo iyon ni Vince upang hindi tamaan. Nasa posisyong krus ang dalawang malalakas na espada. Ngunit sa pakiramdam ni Prinsipe James, kita niya ang kakaibang galit sa mga mata ng pinsan. Galit na nais makapaghiganti. Ngayon, alam niya na ang kalakasan ng binata.
Mabilis na gumawa ng kilos si Vince at kinuha panandalian ang sandata at itutusok sa pinsan. Agad namang nakaiwas ang isang Prinsipe sa pamamagitan ng pag-atras.
"Kulang ka pa sa bilis. Malakas ka at alam kong may ilalakas ka pa." Gumawa na rin ng unang kilos si Prinsipe James.
Nag-espadahan sila ng nag-espadahan hanggang sa madali ng Prinsipe ang espada ni Vince at malakas na hinampas dahilan upang tumusok sa lupa. Itinutok niya naman ang espada sa leeg ng binata.
Bakas sa mukha ni Vince ang pagkabigla ngunit sa buong isipan niya, nais niyang matutunan ng maayos ang paggamit ng espada na galing pa sa kanyang ama. Mabilis siyang naglaho kasama ang espada. Ilang sandali ay nakulong niya na sa sariling kamay ang pinsan. Napatawa ng bigla si Prinsipe James. Ginamit nito ang siko dahilan upang sandaling mawalan ng lakas ang binata. Kumilos siya ng mabilis at itinutok ang espada sa pinsan.
"Sa pakikipaglaban, mahal na Prinsipe Zion ay hindi lamang kapangyarihan ang ginagamit tulad ng ginawa mong paglalaho. Paano kung dumating araw na tanggalin ang iyong kapangyarihan? At sandata o kakayahan na lamang ang gagamitin? Magagawa mo pa kaya?" paliwanag ni Prinsipe James.
Ngayon, mas nauunawaan ni Vince ang lahat tungkol sa pagiging isang mandirigma.
"Sa pakikipaglaban, hindi lang halos lakas ang ginagamit. Pati na ang isip upang maisahan mo ang iyong kalaban." Si Prinsipe Paul naman ang pumunta sa gitna at inutusan si Vince na pulutin ang espadang panandaliang nahulog dahil sa pagsiko sa kanya ng isang pinsan.
Naghanda si Vince at una siyang sumugod. Nagulat siya nang sandaling yumuko lamang ang Prinsipe at nasa likuran niya na ito. Ang talim ng espada ay nasa kanyang tiyan na. Napatingin pa siya roon at namangha.
"Isip at bilis ng pagkilos. Ang isang mandirigma ay hindi nagpapadala sa galit. At kung galit man ang pinagkukunan mo ng lakas, dapat mo iyong kontrolin dahil ito rin ang maaari mong ikamatay." Agad niyang sinipa ng may kalakasan si Vince dahilan upang mapadapa sa lupa.
"Tama. Bumangon ka at ako naman ang magsasabi sa iyo ng mga bagay na dapat mong tandaan." Si Prinsipe Daniel naman ang nagtungo sa gitna at siyang pagtayo ni Vince.
"Sa pakikipagdigma, hindi talaga masasabi o maiiwasang masaktan o masugatan dahil bahagi na iyon." Itinaas ng Prinsipe ang espada para sa paghahanda.
Unang kumilos si Vince at hinampas ang espada sa Prinsipe. Sinalo naman iyon ng pinakabunso nang hindi man lang kumukurap.
"Sa pagharap ng pakikipag-espadahan, kailangan mong maging matapang. Huwag kang matatakot sa talim ng kamatayan. Gamitin mo ang iyong paningin upang mapagmasdan ang bawat pagsugod. Huwag paiiralin ang takot at pangamba dahil sa isang digmaan, buhay ang nakataya. Tandaan mo, mahal na Prinsipe, ikaw ang Prinsipe ng kalawakan." Pina-ikot lamang ng bahagya ni Prinsipe Daniel ang espada at nahulog ang kay Vince.
Diretsong napaluhod si Vince at dumaloy ang luha sa mga mata. Tulala siya sa lupa kung nasaan ang espada ng kanyang ama. Lumapit ang tatlong Prinsipe at iniabot ang mga kanang kamay.
"Bumangon ka." Nakangiting sabi ni Prinsipe James.
"Ang tunay na mandirigma, hindi nagpapatalo sa nakaraan." Nakangiting wika ni Prinsipe Paul.
"Handa kaming tulungan ka sa pagiging isang mahusay na mandirigma dahil pangarap namin iyon at mga kanang kamay mo kami." Si Prinsipe Daniel.
Tinanggap iyon ni Vince at tumayo sa pagkakaluhod. Pinunasan niya ang mga luha at huminga ng malalim. Marahan niya ring pinulot ang espada. Lumapit na rin ang kambal.
"Handa kong pagdaanan ang lahat ng sakit upang matuto ako. Tatandaan ko lahat." Buong-loob na pagkakasabi ng binata.
"Mahusay, mahal na Prinsipe Zion. Kapag natuto ka na sa paghawak ng espada, kami naman ni Aira ang matuturo sa iyo kung paano gamitin ang mahika dahil nasa dugo mo na iyon." Nakangiting paliwanag ni Airam.
Tumango si Vince at buong maghapon siyang nag-ensayo sa tulong ng tatlong pinsang Prinsipe. Ilang beses mang madapa, halos masugatan ay nagagawa niya na ang matuto.
Sa itaas ng kaharian ay masayang nanonood ang Hari at Reyna kasama ang matandang mangkukulam.
"Bibigyan ko pa siya ng sandaling panahon upang maging handa." Nakangiting pahayag ng matandang mangkukulam.
"Tulad talaga siya ng kanyang ama. Ganyan din noon si Zion ng turuan sa pakikpag-espadahan. Ilang beses mang masugatan ay pinipilit niyang matuto dahil ayaw niyang biguin ang mga nilalang na umaasa sa kanya." Salaysay ni Reyna Eureka.
-----
NASA harap na ng Haring Demonyo ang lahat ng mga masasamang nilalang na kanyang pinakawalan sa rehas na daigdig. Humalakhak siya ng paglalakas-lakas.
"Handa na ba kayo?" tanong ng Reyna habang nanlilisik ang mga mata.
"Matagal na. Uhaw na uhaw na kaming pumaslang. Uhaw na kami sa bawat kaluluwa." Nakakapangilabot na tugon ng isang nilalang na naglalaway. Nakakatakot din ang hitsura.
"Huwag kayong mag-alala. Isa-isa ko kayong ipapadala sa napakagandang daigdig- ang mundo ng mga ordinaryong nilalang. Ngunit may inihanda akong misyon sa inyo at kung sino man ang makakagawa, may malaking gantimpalang kapangyarihan." Halos magsigawan at maghiyawan ang mga masasamang nilalang mula sa narinig. Hindi na sila makapaghintay.
"Anong misyon? Sabihin mo mahal na Hari." Sigaw ng nilalang na nakasuot ng itim at mahabang damit. Hindi kita ang mukha nun at may hawak na espada.
"Kukunin ninyo ang buhay ng itinakdang Prinsipeng papaslang daw sa akin." Humalakhak muli ang Hari. "Si Prinsipe Zion pero sa mundo ng mga ordinaryong nilalang, siya ay si Vince." Nagpa-eko-echo pa 'yon sa buong kaharian ng Delum.
Nagbulong-bulungan ang ibang mga nilalang.
"Hindi ba't may propesiya na siya rin ang huhuli sa amin at magbabalik sa rehas?" galit na sabi ng isa.
"Oo. Ngunit, papayag ba kayo?" ngumiti ito ng nakapangingilabot. "Isang kataksilan at kahihiyahan kapag naisahan o napaslang kayo ng munting Prinsipe na hindi man lang alam ang pakikipaglaban at hindi lumaki sa kanyang tunay na daigdig." Humalakhak ito.
"Hindi." Sigaw ng isa.
"Tama. Hindi kami papayag. Kakainin namin ang mga kaluluwa ng daigdig na kinagisnan niya." Pagsang-ayon ng isa at nagsimula ang sigawan na hudyat ng kasamaan at kadiliman.
"Ama, nais kong ako pumaslang sa kanya." Masama ang tinig ni Prinsipe Harold.
"Huwag kang mag-alala anak, mangyayari iyan." Ngingiti-ngiti ito.
Ang itim naman na mangkukulam ay hindi mapakali sa kanyang munting tahanan na nababalot ng mga sapot at bulok na mga buto. Batid ng kanyang kapangyarihan na may isa pang propesiya ang matutupad ngunit hindi niya iyon makita.
"Kasalanan ito ng aking kambal sa Zifornum. May puwersang humaharang para makita ko ang mga mangyayari." Pilit nitong inilalabas sa baston ngunit wala iyong ipinapakita.
IPAGPAPATULOY...

Komento sa Aklat (24)

  • avatar
    Mark Chen

    nice quality and nice story

    27/10/2024

      0
  • avatar
    Jason Rensales

    sobrang ganda

    14/10/2024

      0
  • avatar
    Reychel Rodriguez Sobreviga

    hello po

    14/09/2024

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata