Chapter 3 Hindi ko talaga maintindihan kung bakit nagagalit sa akin si Ate. Pamilya kami, hindi ba? At kapag pamilya, dapat nagmamahalan. Mahal ko naman siya... pero bakit parang hindi niya ako mahal? Bakit niya ako gustong iwala? Bakit niya ako gustong mamatay? Kapatid niya ako, 'di ba? Pamilya niya ako, e. Bakit naman gano'n si Ate? "Ate..." tawag ko sa mahinang boses. "Hindi mo ba ako love?" Tinitigan ko ang mukha ni Ate na natutulog sa kama niya. Inayos ko ang kumot sa katawan niya at yumuko para halikan siya sa noo. Wala naman akong matatanggap na sagot mula sa kanya dahil tulog na siya. At kung sakali mang gising pala siya at sagutin ang tanong ko, baka harap-harapan lang akong masaktan. "Mahal kita, Ate, kahit lagi mo 'kong pinagagalitan at kinukurot," sabi ko at malungkot na ngumiti. "Pero sana, huwag mo na po ulit sisigawan si Papa. Siya na lang ang magulang natin saka matanda na siya, e. Hindi po natin dapat binabastos ang mga matatanda lalo na ang magulang natin kung hindi naman nila tayo binabastos. Nag-aalala lang naman si Papa sa 'yo noong umalis ka po nang 'di nagsasabi, e..." Niligpit ko na ang mga gamit ko para sa school bago inayos ang kama. Dalawa kami rito sa kuwarto at noong wala siya, sinasamahan ako rito ni Papa matulog. Hindi kasi ako nakakatulog nang walang kasama sa kuwarto. Kahit hindi katabi, ayos lang. Lumabas muna ako ng kuwarto para magbanyo nang matagpuan ko si Papa sa sala, nakaupo sa sofa naming gawa sa kahoy. Nakatulala lang siya at mukhang may malalim na iniisip. "Papa..." Napalingon siya sa akin. Lumapit ako sa kanya at naupo sa tabi niya. Ang kanyang braso ay ipinatong niya sa balikat ko. "Asia, bakit gising ka pa? Maaga pa ang pasok mo bukas." "Iihi lang po sana ako at matutulog na. Nakita ko lang po kayo rito," sagot ko. "Hindi po ba kayo makatulog?" Ngumiti siya pero hindi umabot sa mata. Hinawakan niya ang likod ng ulo ko. "Matutulog na rin ako. Sige na, umihi ka na at bumalik ka na sa kuwarto mo." "Papa..." Lumabi ako at niyakap siya nang patagilid sa baywang. "Hmm?" Mahina siyang tumawa at niyakap din ako pabalik bago hinalikan sa ulo. "Naku, naglalambing na naman ang bunso namin..." "Mag-aaral po ako nang mabuti. Para kapag lumaki po ako at makakuha ng magandang trabaho, hindi mo na po kailangang magtrabaho. Magpapatayo tayo ng malaking bahay at bibili ng sasakyan para hindi na tayo mag-commute. Tapos bibilhin natin 'yong mga gusto nating gamit pati po mga pagkain. Puwede rin po tayong pumunta sa iba't ibang lugar dito sa Pilipinas at sa ibang bansa kapag marami na akong pera!" Ngumiti ako nang malapad pagkatapos sabihin iyon at tiningala siya. Umangat ang gilid ng labi niya at dumungaw ang kanyang ngipin. "Aspasia," sambit niya sa malambing na tono. "Magandang isipin na may pangarap ka at alam kong matutupad mo iyon basta't magsumikap ka. Pero sa ngayon, gusto kong mag-aral ka muna at makipaglaro sa iba. Hangga't nandito pa ako at nag-aaral pa kayo, ako muna ang bahala sa inyo." Hinalikan ko sa pisngi si Papa. "Love you, Papa!" "Love you, anak..." Ngumiti ako. Hindi madali maging estudyante lalo na kung ang isa sa mga inaabangan mong makita bilang resulta ng paghihirap mo ay ang mga grado. Siyempre, madalas kong inaasahan na matataas ang makukuha kong marka lalo na't pinaghihirapan ko talaga iyon. Pero hindi ibig sabihin na dahil masyado kong inaalala ang grades, hindi na rin ako marunong makipaglaro sa iba. Ang dami ko kayang kalaro sa school. Kaso kapag nananalo ako lagi, pinapaalis nila ako. Tulad na lang ngayong naglalaro kami ng jackstones. Anim kaming babae at nakaupo kami sa sahig nang pabilog. Recess namin kaya puwede kaming maglaro muna. Itutuloy lang namin 'yong laro kaninang umaga. "'Wag ka na ngang sumali, Aspasia! Nandadaya ka, e!" sabi ng kaklase kong si Kara matapos kong manalo sa jackstones. "Hindi naman ako nanduduga, ah..." sabi ko at inilagay na ulit sa gitna namin ang mga naitago kong stars. "Madaya ka! Umalis ka na nga rito. Huwag ka nang sasali ulit!" "Hoy, Kara! Hindi madaya si Asia, ah! Talo lang talaga tayo kasi magaling siya mag-exhibition!" pagtatanggol ni Eden na katabi ko. "Nakita ko kaya kanina natamaan 'yong star! Madaya ka!" pilit ng kaklase ko. "Hindi naman, Kara," si Tricia. "Start na lang ulit tayo..." Napakamot ako sa ulo. Hindi naman ako manduduga, e. "Kung nakita mo na pala na natamaan niya, ba't ngayon mo lang sinasabi? Saka bakit hindi naman nagreklamo ang iba? Gawa-gawa mo lang 'yan, e, kasi hindi mo tanggap na talo ka," depensa ulit ni Eden. "Talo ka rin naman, ah!" Sabay turo ni Kara sa kaibigan ko. "Huy, huwag nga kayong mag-away," ang isa kong kaklase. "Oo nga. Baka magalit si teacher Sarah sa atin!" "At least ako, tanggap kong talo ako. E, ikaw, dami mo pang sinasabi diyan." Umirap si Eden at hinawakan ako sa kamay. "Lika na nga, Asia! Huwag na tayong makikipaglaro sa loser na tulad ni Kara." "Umalis na nga kayong dalawa! Madadaya kayo. Huwag na kayong sumali sa amin!" ani Kara at tinulak sa balikat si Eden nang patayo ito. Nanlaki ang mata ko. Tumayo agad si Eden at tinulak din sa balikat si Kara kaya natukod nito ang mga siko sa likod. "Denden!" saway ko at hinila ang braso ng kaibigan nang tumayo rin. "Ba't ka nanunulak, ha? Talo ka lang, pikon ka na! Loser!" Nag-form pa ng letter L si Eden sa kamay at nilabas ang dila habang pinatitirik ang mga mata para asarin lalo si Kara. Ang mga kaklase naman namin ay nakiusyuso pa. "Teacher Sarah! Teacher Sarah! Nag-aaway po sina Eden at Kara!" sigaw ng isa naming kaklaseng lalaki. "Away na 'yan! Away na 'yan!" "Eden, tama na kasi 'yan!" sigaw ko at hinila ulit si Eden. "Lagot tayo kay teacher!" "Hala, umiiyak si Kara! Lagot ka, Eden!" "Iyakin ampupu!" Umirap si Eden. Dahil sa nangyari, pinatawag ang magulang nina Eden at Kara kinabukasan. Kinabahan nga ako dahil akala ko'y pati ang magulang ko, ipatatawag din. Hindi puwede 'yon. Pinangangalagaan ko nga ang reputasyon ko rito sa school bilang isang mabuti at masunuring mag-aaral, e. At isa pa, ayaw kong abalahin si Papa na pumunta rito lalo na at may trabaho siya. Hindi naman papayag si Ate Cols kung nagkataon. At si Kuya Rey, wala sa bahay lagi. "Denden, sa susunod kasi ay huwag mo nang papatulan 'yang mga nang-aaway kung puwede namang iwasan," paalala ko sa kaibigan. "Para hindi na rin mapatawag si Mama mo." Tumaas ang kilay niya. "Bakit? Siya naman ang nauna. Binibintangan ka niyang nanduduga kahit hindi naman tapos itinulak niya pa ako!" Hay naku. Palaban talaga 'tong si Eden. Pareho naman kami, sa magkaibang aspeto nga lang. "Hindi mo naman kasi kailangang gumanti palagi, Denden." "Pasensiya na, ha. Hindi ako mabubuhay nang 'di nakakaganti, e." Kinurot ko nga siya sa braso. At tulad ng sabi niya, hindi siya nabubuhay nang hindi nakakaganti kaya kinurot niya rin ako. "Ang hina lang ng kurot ko, ah! Ba't sa 'yo, ang lakas?" reklamo ko habang hinihimas ang braso at nakasimangot. "Siyempre kapag gaganti ka, dapat mas matindi sa ibinigay sa 'yo." "Ang bad naman no'n, Credencia! Hindi dapat gano'n!" "Ang hindi dapat ay 'yong hinahayaan mong saktan at alipustahin ka ng iba. At huwag mo akong tawagin sa pangalan na 'yan, okay. Yuck!" "Hay nako, ewan ko sa 'yo, Credencia. Ganda nga ng pangalan mo, e." Alas singko ang uwian namin lagi dahil panghapon kami. Hinihintay ng ibang magulang ang mga kaklase ko sa labas at ang iba ay may service pa tulad ni Eden. Samantalang ako, hinihintay ko lagi si Papa sa may tindahan sa tapat ng school namin diyan sa labas para sunduin ako. Kapag may mga kaklase pa akong hindi umuuwi agad, naglalaro muna kami ng chinese garter. Hindi ako marunong umuwi mag-isa pero dahil palagi naman kaming nagko-commute ni Papa, alam ko naman kung anong sasakyan at ang direksyon ng bahay namin. Natatakot lang talaga ako mag-isa lalo na kapag bababa. Saka hindi naman ako hinahayaan pa ni Papa. Habang nakaupo sa batong upuan sa gilid ng tindahan na tinatambayan ko, binilang ko ang nalalabi ko pang pera sa bulsa. Napangiti ako nang madukot ang dalawang piso kaya naman pumunta ako sa tapat ng tindahan at tinuktok ang barya sa bakal na harang nila. "Pabili po! Pabili, pabili, pabili!" agaw pansin ko sa tindera habang nakatingin sa bibilhin. "Pabili nga po nito." "Ayan ka na naman, Asia. Rinig naman kita, e," sabi ni Aling Lerma nang nakalapit. "Ano ba 'yon?" "Ito po," sabi ko habang itinuturo ang gustong bilhin. "Dalawa po." "Alin dito? Ito?" Sabay turo niya sa katabi ng katabi ng itinuturo ko. Umiling ako. "Hindi po 'yan. Ito po." Dinutdot ko pa ang daliri doon sa lagayan na babasagin. "'Yong candy po." "Candy nga itong itinuturo ko. Alin ba? Anong pangalan?" "'Di ko po alam. Basta po 'yong kulay red." "Chooey choco?" Inangat niya 'yong takip ng tinutukoy. "Ilan?" "'Yong katabi po niyan, Aling Lerma." "Ito? Monami? Pink kasi 'to, Asia." Ibinaba ko ang braso nang kumuha na siya ng Monami. "Ay, sige po. Chooey choco na lang para kulay red." "Naku, ikaw talaga, oo!" Bumungisngis ako at kinuha na ang binili bago bumalik sa upuan. Madalas ay inaabot ako ng isang oras sa paghihintay kay Papa kaya kinakausap ako ng mga tao roon sa tindahan. Kapag umuulan at wala pa si Papa, umiiyak na ako. Feeling ko kasi ay hindi na niya ako susunduin. "Darating din 'yon, Asia. Natagalan lang kasi umuulan. Baka walang masakyan o nahirapan sumakay. Susunduin ka pa rin ng Papa mo, siyempre." Iyon ang palagi nilang sinasabi habang naghihintay ako at umiiyak na dahil wala pa si Papa. Tuwing darating naman siya, ikukuwento pa muna ni Aling Lerma kay Papa na umiyak ako. "Bakit umiiyak ka pa rin kapag matagal dumating si Papa? 'Di ba ang sabi ko sa 'yo, darating ako lagi para sunduin ka?" ani Papa nang nakauwi na kami sa bahay. Tumango ako habang nakanguso. "E... natatakot po ako na baka kung ano na po nangyari sa 'yo habang nasa biyahe..." Ngumiti siya at bahagyang ginulo ang buhok ko. "Walang mangyayaring masama sa akin, okay? Hindi puwedeng may mangyari sa akin kasi naghihintay pa sa akin ang pinakaiyakin kong anak." "Hindi po ako iyakin!" depensa ko. "Sinabi ko bang ikaw?" Lumawak ang ngiti niya at bahagyang pinisil ang pisngi ko. "Tinamaan, pangit." "Hindi po ako pangit!" Humalakhak si Papa at niyakap ako nang mahigpit. "Sige na, sige na. Kumain na tayo. Tawagin mo na muna ang Ate mo at ihahanda ko na ang pagkain natin." Nang pakawalan niya ako ay dumiretso ako sa kuwarto namin ni Ate dahil madalas naman siyang tambay roon kapag walang ginagawa. Hindi ko nga lang siya natagpuan kaya sinabi ko kay Papa. Sinubukan niyang i-text si Ate at tingnan sa labas pero dumating siyang mag-isa. Kami na lang tuloy dalawa ang kumain ng binili naming kanto fried chicken. "May assignment ka ba ngayon, Asia?" "Wala po. Periodical exam po namin bukas" Tumango siya. "Sige, mag-aaral tayo mamaya pagkatapos kumain." Tuwing darating ang exam, lagi ko talagang sinisigurado na makakakuha ako ng mataas na marka para ipagmalaki kay Papa dahil lagi niya akong tinutulungan sa pagre-review. Kapag kasi kay Ate Cols ako nagpapaturo, lagi akong pinagagalitan at kinukurot kapag hindi ko nakuha agad. Madalas pang nauuna ang sigaw niya kaysa sa turo. "Okay, class. Palakpakan naman natin si Aspasia dahil siya ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa lahat ng asignatura," sabi ng adviser namin sa harapan. "Pa-Jollibee ka naman, Asia!" "Sus, kaunti lang naman ang lamang niya sa mga score ko." "Pake namin sa 'yo. Lamang pa rin si Asia at siya pa rin ang magiging Top 1," birada ni Eden sa kaklaseng nasa harapan lang namin habang nakikipalakpak. Natapos ang Grade 3 namin na ako pa rin ang nasa pinakatuktok sa honor list. Nakakaipon ako ng pamumuri mula sa mga kaklase at guro pero hindi maiwasan na may marinig na masyado raw akong sipsip at bida-bida sa klase. Ewan ko ba sa mga ganiyang estudyante. Kapag ginalingan, bida-bida at sipsip agad? Hindi ba puwedeng masipag lang ako mag-aral dahil gusto kong maging proud ang Papa ko sa tuwing kuhaan ng card? "Feel ko ikaw magiging badektoryan kapag Grade 6 na tayo, Aspasia," sabi ni Eden noong unang araw namin sa ikaapat na baitang. Lagi kaming isa sa pinakamaaga pumasok. Nagpapaunahan nga kami madalas at dahil masyado akong competitive, ako lagi ang nauuna. Ililibre kasi sa recess ng nahuli ang mauunang pumasok sa aming dalawa. "Malayo pa 'yon. Saka hindi lang naman ako ang matalino rito sa section, 'no." "Ah, basta! Sure ako, ikaw magiging badektoryan!" Lumibot ang paningin niya at tumigil iyon sa kabilang side namin. "O kung hindi ikaw, baka si Celine. Siya ang Top 2 last year, 'di ba?" "Oo. Pero malay mo, humabol 'yong iba. Baka nga ikaw pa." "Aysus. Kung humabol sila, e 'di habulin mo rin. Dapat mong panindigan ang pagiging competitive mo. Saka asa naman ako, 'no." Karamihan sa mga kaklase ko ngayon ay ang mga kaklase ko rin simula noong Grade 1. Bihira lang naman ang may malipat sa ibang pangkat mula sa amin. Kung may malilipat naman sa amin na taga-ibang section, sila 'yong mga nakakuha rin ng matataas na marka na puwedeng ilinya sa amin. Ganoon kasi rito. Pumasok na ang magiging adviser namin sa taong ito at sinabing kabilang na kami sa mga pupunta sa flag ceremony roon sa covered court. Hindi ko mapigilang maglikot sa upuan habang nag-aabang. Grade 4 to 6 lang kasi ang pumupunta roon habang ang mga Grade 1 to 3, sa room lang tuwing flag ceremony. "Excited na akong mag-flag ceremony!" sabi ko kay Eden. "'Di ba may sumasayaw raw doon sa harapan para susundan?" Tinawanan niya ako. "Ikaw lang ang excited sa flag ceremony, Asia." "Dapat excited ka rin. Best friend tayo!" Nilabas niya ang dila na parang nang-aasar. "Ayoko." "Damot." "Anong madamot doon?" Tumawa siya ulit. "Sana 'wag tumunog 'yong bell." Saktong pagkasabi niya no'n ay tumunog ang bell. Napatayo ako agad kaya naman inirapan ako ni Eden. Pumasok ulit ang adviser namin para sabihan kaming pumila sa labas. Hiwalay ang boys at girls. "Huy, find your height daw. Maria Credencia, sa harap ka," asar ko sa kanya habang palabas. "Epal ka. Kapag ako tumangkad..." "Talon ka kasi tuwing New Year." Hindi ko napigilang humikab bigla. Nanlaki ang mata ni Eden at tumakbo agad sa bandang harapan kung nasaan ang adviser namin. "Ma'am! Si Aspasia po inaantok pa raw!" Hala! Ang epal talaga ng kesong ito. Buti nga at hindi siya pinansin dahil pinagagalitan ang mga lalaki dahil ayaw umayos ng pila. Pagdating namin sa court, namangha ako nang makita ang taga-ibang baitang at pangkat. Ilang section kaya kami lahat dito? May mga parating pa lang na linya at 'yong iba, naka-bag pa. Ako na yata ang pinakamatangkad sa aming babae dahil wala nang sumunod pa sa likod ko. Halos katapat ko sa gilid si Christian na siyang pinakamatangkad sa boys. Tinaas niya ang kamay habang nakaharap sa akin. "Apir, Asia," aniya. Inangat ko ang kamay at makikipag-apir na pero bigla niyang binawi at ini-slide patagilid ang kamay sabay sabing, "Wowowee!" Nakita 'yon ng kaharap niya kaya tumawa silang dalawa. "Lakas ng tama mo!" "Mas malakas ang tama ko sa 'yo," ani Christian habang tumatawa. "Yuck!" Umirap ako. "Yuck yuck pa, kinikilig ka naman diyan," sabi naman ni Tristan. Inirapan ko silang dalawa at tumingin na sa harap nang magsalita ang isang teacher. Hindi ko na pinansin pa ang mga panggulong kaklase sa kabilang linya hanggang sa natapos na ang flag ceremony. Pagbalik namin sa room, tumakbo agad si Eden papunta sa tabi ko. Muntik pa ngang bumaliktad ang upuan sa lakas ng puwersa pag-upo niya. "May nakita ako sa labas!" "Siyempre, may mga mata ka." Hinampas niya ako sa braso. "'Di kasi 'yon! May nakita akong kausap ni Ma'am Sarmiento! May dalawang bata doon sa labas tapos 'yong nanay yata nila ang kausap ni Ma'am." "O ano naman ngayon?" Humagikgik siya kaya kumunot ang noo ko. "Ang cute nilang dalawa! Alam mo 'yon? Malayo pa lang pero parang naaamoy mo na sila sa tingin pa lang! Amoy baby!" "At kailan mo pa naamoy ang isang tao sa pamamagitan ng mata, Maria Credencia?" "Eh, basta gano'n! Sana kaklase natin!" Napailing na lang ako. Tumayo siya ulit at pumunta sa may pintuan para sumilip. Ilang sandali pa ay kumaripas siya ulit pabalik sa tabi ko at hinampas ako sa braso. "Papasok na sila!" excited niyang balita. Hinimas ko ang braso. "Aray ko naman, e..." Binigyan niya ako ng hindi maipaliwanag na tingin. "Ba 'yang aray mo, walang emosyon. Isa pa nga." At hampas siya na ulit ako nang mas malakas. "Aray!" sinigaw ko na talaga iyon dahil namanhid agad ang parteng hinampas niya. "Ayan! Buti naman at nasaktan ka na. Akala ko manhid ka, e." Ang sama ng tingin ko sa kanya at gusto na ngang gantihan kaso pumasok na si Ma'am Sarmiento kasunod ang dalawang batang lalaki na nakasuot ng jacket. Impit na tumili sa tabi ko si Eden habang nakatutok sa harap. Ako naman, nalaglag ang panga nang makilala ang isa sa kanila. Ngumiti ako at kumaway sa kanya para magpapansin pero diretso lang ang tingin niya sa likuran habang pinakikilala ng adviser namin. Nakakunot ang noo niya habang nakapamulsa ang isang kamay at nakatikom ang labi. Isnabero. 'Yong katabi niya namang chinito at kasingtangkad niya lang ay tumingin sa akin. Ngumuso siya nang bahagya na para bang nagpipigil ng ngiti o tawa bago ibinalik ang tingin kay Raghnall. Siniko ako ni Eden. "Uy, makakaway ka naman diyan. Kilala mo? Close kayo?" Sumimangot ako at nilingon siya, tinigilan na ang pagkaway. "Oo... pero baka hindi niya na ako kilala." "Baka 'di ka naman niya talaga kilala? O baka kamukha niya lang?" "Siya 'yon. Ah, basta." Pagkatapos ipakilala ang dalawa, pinapila ulit kami ni Ma'am Sarmiento sa likod by height dala ang bag para ayusin ang seating arrangement. Kesyo alphabetical order o by height, madalas akong nasa likod, e. Namataan kong kinakausap na ng ibang kaklase kong lalaki ang mga bagong salta. Gusto ko sanang lumapit din sa kanila para itanong kung natatandaan niya ba ako kaso natatakot akong mapahiya. Pinagmasdan ko si Raghnall na parang mas tumangkad agad. Nang paubos na ang mga bakanteng upuan, napatingin ako ulit sa dalawa. Tipid na ngumiti ang chinito sa akin nang maabutan niya akong nakatingin sa kanya. "Zafe, hindi ba? Aspasia Zafe?" sabi ng teacher namin nang turn ko na. "Opo..." sagot ko kahit nagtataka kung paano niya ako nakilala. Tumango-tango siya at pinapunta na ako roon sa puwesto ko katabi si Raghnall. Kinakausap siya ni Celine na kilala bilang tahimik sa klase namin. Sa katitingin ko sa kanila, hindi ko napansing lumagpas na ako at nauntog sa pader. "Huy!" Humagalpak ang kaklase kong nakakita. "Ayan kasi, Asia. Tingin nang tingin sa transferee. Untog ka tuloy!" Uminit ang pisngi ko nang marinig ang pang-aasar at hiyawan ng mga kaklase ko kahit pa nandiyan si Ma'am Sarmiento. Nang tingnan ko si Raghnall, nakatingin lang siya sa akin gamit ang blangkong mukha. Hindi niya ba talaga ako natatandaan? O nagpapanggap lang siyang hindi niya ako kilala?
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (81)
mahneym_98
Interesting title and exciting introduction! Plus ang cute ng book cover ang lakas maka attract ng readers. Definitely a highly recommended and a must read novel!💙😍
14/07/2022
7
NAHPHINTAS
Relate much yata ako ditech😀 Must continue reading. Keep it up author ☺️
12/05/2022
6
Babidi
ang cutiie ng storyyyy~ first chapter ang catchy agaaad. i love it!!!
Interesting title and exciting introduction! Plus ang cute ng book cover ang lakas maka attract ng readers. Definitely a highly recommended and a must read novel!💙😍
14/07/2022
7Relate much yata ako ditech😀 Must continue reading. Keep it up author ☺️
12/05/2022
6ang cutiie ng storyyyy~ first chapter ang catchy agaaad. i love it!!!
28/03/2022
6Tingnan Lahat