DALA-DALA ang itim na mga bulaklak habang nakatayo pa rin ako hanggang ngayon sa harapan ng bahay nina Mageline. Paulit-ulit kong tinatawag ang pangalan niya at halos isang oras na akong nakatayo rito pero wala pa ring nagbubukas ng pinto.
Sinubukan ko na rin na tawagan ang number niya pero walang sumasagot.
“Mageline! Mageline! Please may ibibigay lang ako. Mageline,” paulit-ulit na tawag at sigaw ko sa kaniya. Naghintay pa ako ng ilang oras, kahit na ngawit na ngawit na ang mga paa ko'y hindi ko magawang umalis at sumuko. Tinatawagan din ako ni Bliz pero hindi ko 'yon sinasagot. Isinantabi ko si Bliz dahil mas mahalaga para sa akin si Mageline.
Mayamaya pa'y may nagbukas na ng pinto nila at sa wakas, hindi na ako maghihintay nang ilang oras pa rito. Pagkalapit na pagkalapit pa lang ni Mageline, sumalubong na sa akin ang magkasalubong niyang mga kilay.
“Ano bang ginagawa mo rito?!” bungad niya habang lumalapit sa akin. Kahit medyo malayo pa siya'y rinig na rinig ko ang malakas niyang sigaw. Mukhang hindi niya na talaga ako gustong makita.
“Gusto ko lang sana ibigay sa 'yo 'to.” Iniabot ko ang mga bulaklak nang tuluyan na siyang makalapit sa akin. Agad na nag-iba ang reaksyon sa kaniyang mukha. Ang akala ko pa nama'y magugustuhan niya ang mga itim na bulaklak na pinaghirapan ko pang hanapin. Mukhang nagkamali na naman ako.
“Mukha na ba akong mamamatay?! Umalis ka na nga rito! Alis!” sunod-sunod niyang bulyaw sa akin, ni hindi niya man lang tinanggap ang dala-dala kong bulaklak para sa kaniya. Tinulak-tulak niya ako hanggang sa tuluyan na akong makalayo sa gate nila. Hindi ko maintindihan, akala ko ba'y gusto niya ang mga bulaklak na ito? Bakit hindi niya tinanggap?
“Akala ko gusto mo ng itim na bulaklak?” tanong ko sa kaniya pero mas lalong kumunot ang noo niya.
“Huwag na huwag ka nang babalik dito, tapos na tayo.” Pumasok ulit siya sa bahay nila. Hindi ko na siya magawang tawagin pa dahil sa binalot na ako ng hiya. Napakagat ako nang mariin sa aking labi, mukhang napag-trip-an ako ni Zayra.
Labis akong nairita dahil mas lalong nagalit sa akin si Mageline kaya tinawagan ko si Zayra. Siya ang may sabi sa akin na gusto ni Mageline ang mga itim na bulaklak pero bakit mas lalo pa siyang nagalit sa akin?
Wala pang ilang segundo nang sagutin niya ang tawag ko.
“Ano bang ginawa mo?! Sabi mo gusto niya ng mga itim na rosas?!” bulyaw ko sa kaniya. Imbes na humingi ng tawad ay narinig ko pa ang malakas na pagtawa niya.
“Gusto niya ng itim na rosas baka hindi niya lang gusto 'yong nagbigay,” aniya habang tumatawa-tawa pa rin. Binato ko ang mga rosas na hawak-hawak ko at pinagtatapak-tapakan ko ang lahat ng mga 'yon.
“Galit ka?” Biglang napawi ang paghalakhak niya nang tanungin niya kung galit ba ako. Isang malakas na tawa ang isinagot ko sa kaniya. Mukha bang matutuwa ako sa nangyari? Malamang, galit ako!
“Sorry, galit ka ba?” tanong niyang muli.
“To be honest, I'm a little bit angry pero ayos lang. Masarap bang manloko? Masarap, hindi ba? Magkaibigan nga kayo,” sagot ko sa kaniya na mukhang hindi niya ikinatuwa. Narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga niya.
“Okay, I'm sorry pero sinabi ko lang ang totoo. Gusto niya ang itim na rosas—” Hindi ko na siya pinatapos pa at pinatay ko na ang tawag, wala rin namang kuwenta ang sasabihin niya. Isa lang ang ibig niyang ipalabas, na kahit ano pa ang gawin ko'y hindi ko na muling mababawi si Mageline dahil ayaw niya sa akin.
Pumasok ako sa kotse ko at mabilis akong nagmaneho. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya pinuntahan ko na lang si Bliz.
Pagkarating na pagkarating ko pa lang ay ngiti niya agad ang bumungad sa akin.
“Bro, nahanap mo na ba kung sino 'yon?” I asked him pero umiwas siya ng tingin. Agad na napawi ang ngiti sa kaniyang labi. Naging seryoso ang kaniyang mukha.
“Sorry, bro. Ang hirap mahanap,” sambit niya kaya bumuntong hininga na lamang ako.
“Magaling talagang magtago. Hanapin mo 'yong lalaking 'yon, pakiusap.” Lumakad ako patungo sa sofa nila at sumunod naman siya sa akin. Umupo kaming pareho. Tinawag niya ang katulong niya para magpahanda ng juice at snacks. Medyo gutom na rin ako, mabuti na lang at nagpadala siya ng pagkain.
“Pero, paano kung kakilala mo 'yong lalaki? Ano ang gagawin mo?” tanong niya na ikinabigla ko. Ano naman ang nais niyang ipahiwatig sa akin? Ano naman ang gusto niyang sabihin? Hindi ko maitindihan pero nakaramdam ako ng kaba sa 'di malamang dahilan.
“Papatayin ko siya,” walang alinlangang sambit ko. Hindi na siya umimik pa at nanahimik na lang.
Hindi ko alam pero kung kakilala ko ang dahilan ng lahat — ang dahilan kung bakit hindi ako ang pinili ni Mageline, hindi ko 'yon mapapatawad — hindi ko siya mapapatawad.
May biglang tumawag sa kaniya at hindi ko nabasa kung sino 'yon dahil agad niya itong pinatay.
Paulit-ulit pa na tumawag sa kaniya 'yong taong 'yon pero ayaw niyang sagutin na para bang may itinatago siya sa akin na isang malaking sikreto. Nararamdaman ko na may kakaiba, may kakaiba talaga sa kaniya.
“Aalis na ako, sagutin mo na 'yan,” huli kong sabi bago magsimulang lumakad palayo at bumalik sa kotse ko.
Habang nagmamaneho'y hindi ko maiwasang isipin na nakapagtataka ang ikinikilos ni Bliz. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kaniya pero kung may kinalaman siya na ayaw niyang sabihin sa akin. Hindi ko siya patatawarin.
Kaibigan ko na siya simula nang bata pa lamang kami kaya naniniwala rin akong hindi niya magagawa sa akin ang mga bagay na 'yon. Malaki ang tiwala ko sa kaniya dahil sa lahat ng tao, siya lang pinagkakatiwalaan ko.
Isang malakas na tunog ang umalingawngaw na nangggaaling sa cellphone ko. May tumatawag sa akin kaya sinagot ko 'yon.
“Bakit, Zayra?” bungad ko kaagad sa kaniya.
“Magkita tayo,” sabi niya bago ibaba ang tawag.
Itinext niya sa akin ang lugar kaya nagmaneho ako papunta ro'n.
Kahit galit ako sa kaniya ay hindi ko magawang hindi siya siputin. Paano na lang kung may mangyari sa kaniyang masama? Edi ako pa ang magiging dahilan n'on.
Ilang minuto pa'y nakarating na ako. Bumaba ako ng sasakyan at umupo sa duyan habang hinihintay siya. Seryoso akong nakatingin sa paligid habang hinihintay siyang makarating nang may nagtakip ng mga mata ko. Nagulat ako kaya dali-dali ko 'yong tinanggal at pagkatanggal na pagkatanggal ko'y humarap ako sa direksyon ng taong nagpiring sa mga mata ko. Nakita ko si Zayra na nakangiti. Tinitigan ko siya nang seryoso kaya agad napawi ang ngiti sa kaniyang labi. Hindi ako sanay na tinatakpan ang mga mata ko pero bakit tila natuwa ako? Bakit ganito ang nararamdaman ko?
“Sorry.” Sumimangot siya at natawa naman ako dahil sa inasta niya.
“Huwag mo na ulitin 'yon, hindi ka na bata,” sabi ko sa kaniya kaya itinulak niya ang duyan nang napakalakas.
Halos malula ako dahil sa ginawa niya. Sinusubukan kong pahintuin siya pero ayaw niyang huminto.
“Ihinto mo na!” sigaw ko sa kaniya pero tawa lang siya nang tawa.
“Ang duwag mo naman.” Inihinto niya na ang pagtulak sa duyan at pumunta siya sa harapan ko.
“Ang guwapo mo rin pala,” sambit niya habang nakatingin sa mga mata ko kaya halos mailang ako. Hindi ako makatingin nang maayos dahil sa ginawa niya. Bakit ba kasi palagi niya na lang ginagawa 'to sa akin?
“Pinagsasabi mo?” nagmamaang-maangang tanong ko sa kaniya.
Tumayo ako at itinuon ko ang atensyon sa mga batang naglalaro. Ang sasaya nila, hindi ko naranasang maglaro sa labas noong bata pa ako kaya labis akong naiinggit kapag nakakakita ako ng mga batang naglalaro sa kalsada.
“Hindi ko naranasan maging bata,” sabi niya na naging dahilan ng pagtingin ko sa kaniya.
“Simula noong bata ako puro pagpapasakit na lang ang naranasan ko sa mundong 'to, hanggang ngayon,” dugtong niya pa. Napansin ko ang lungkot sa kaniyang mga mata kaya iginiya ko siya sa duyan. Unang beses kong makita na ganito siya, na sobrang lungkot ng itsura niya kaya gusto kong paliparin niya muna ang kalungkutan na nararamdaman niya sa mga oras na 'to.
“Upo ka, ako naman ang magtutulak sa 'yo para ma-try mo.” Sinunod niya naman ako. Itinulak ko ang duyan nang sobrang lakas pero parang wala lang sa kaniya dahil ang emosyon niya ay gano'n pa rin, walang pagbabago.
“Hindi ka ba natatakot?” tanong ko sa kaniya pero tumawa lamang siya nang malakas.
“Ako? Matatakot? Halos lagi akong nilalambitin at pinapaikot ng nanay ko.” Nabigla ako sa sinabi niya kaya inihinto ko ang pagtulak sa duyan.
“What do you mean?” Tinitigan ko siya at nakita ko ang mga mata niya na hindi mahinuha kung masaya ba o hindi, kumbaga walang emosyon ang makikita sa kaniya.
“Wala,” sambit niya bago tumayo at inaya akong umuwi.
Tila nakaramdam ako ng kakaiba na hindi ko magawang maipaliwanag. Nalungkot ako dahil sa mga sinabi niya sa akin at para bang gusto kong hamakin ang mundo niya nang biglaan.
Ngunit...
Alam kong mali ang isipin ito dahil hindi ko ugaling mangialam ng buhay ng mga tao. Wala akong pakialam sa kanila dahil ang tanging buhay ko lang ay si Mageline. ————————
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
ang ganda Naman
16/02/2025
0best
16/08/2023
0Tingnan Lahat