Homepage/When she found the flowers/
Kabanata 96
Tumingkayad si Prudence para tanawin si Antonio kung kasunod ni Marco. Matapos kasi nang hapunan ay nagpunta ang mga ito sa farm habang may dalang tig-isang bote ng beer.
Tumikwas ang isang kilay niya nang hindi kasunod nito ang dating amo. Napabuga siya ng hangin, mas nadagdagan pa ang pagiging tahimik nito kanina. Mukhang nagpatong-patong na talaga ang inis nito sa kaniya.
Limitado ang bawat tapak ng dalaga habang palapit sa taniman ng mga rosas. Nakaupo roon si Antonio, katabi ang isang bote ng beer at pinagmamasdan lamang ang taniman.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya nang makaupo.
Naglaan siya ng isang dangkal sa pagitan nila ng binata. Luminga naman ito sa kaniya habang wala pa rin mababasang reaksyon sa mukha.
"Nagpapahangin?" siya na mismo ang sumagot sa sariling tanong niya dahil alam niyang walang itong balak sumagot.
Itinuon ni Antonio ang atensyon muli sa taniman ng mga rosas. Hindi rin niya gustong maging malamig ang pakikitungo sa dalaga. Hindi niya kayang umarteng hindi mabigat ang loob at hindi mag-alala sa mga nangyayari.
Nagbuntong hininga si Prudence, katulad ni Antonio ay itinuon na lang din ang pansin sa magandang tanawin.
Namamayani ang katahimikan sa buong taniman. Naroon ang malamig na hangin at iilang bituin sa madilim na langit na tila pinanood silang dalawa.
"Aalis ka ba talaga?"
Napalunok ang dalaga sa mahinang tanong ng kaniyang dating amo. Rinig niya ang sakit sa bigkas nito na nararamdaman din ng puso niya.
"Tatanggapin mo ba ang kontrata?"
Napapikit ng mariin si Antonio bago muling binuksan ang mga mata at tiningnan ang nakatagilid na mukha ni Prudence.
"Sabihin mo."
Agad na tumulo ang luha niya habang dahan-dahang lumilinga at sinalubong ang tingin nito.
"A-ano bang gusto monng marinig?" tanong niya.
"Kapag sinabi ko ba na huwag mong tanggapin at huwag kang umalis, gagawin mo?"
"Alam mong hindi pwede," tuluyan nang bumagsak ang masasagang luha ng dalaga.
"At bakit hindi?!" halos punuin ng malakas na boses ni Antonio ang buong paligid.
Umiwas siya ng tingin at piniling titigan ang mga rosas kaysa ang mga maluha-luhang mga mata ng binata.
"Sinabi ko na, handa akong madamay at handa rin akong ayusin ang magulo mong mundo."
"Sabihin mo lang na hindi ka aalis at pipiliin mong manatili rito."
"Piliin mo lang ako, Celine."
Kasabay nang pagpikit ay ang pag-agos pa ng ilang luha mula sa mga mata ng dalaga. Damang-dama niya ang bawat salitang galing sa bibig ni Antonio. Luminga muli siya rito at lakas loob na tinitigan sa mga mata.
"Kaya ko nga ito ginagawa."
"Antonio, ang tahimik at ang buti ng buhay mo rito. At kung dahil lang sa akin ay magugulo muli ang flower farm mo, hindi ba't masyado akong makasarili?"
"Hindi mo ginulo ang buhay ko," sagot naman nito habang maaninag ang nagbabadya ng mga luha.
"Nagsinungaling ako sa iyo-"
"Hindi. Hindi ka nagsinungaling."
"Ipinakita mo kung sino ka, kung sino si Celine at hindi si Prudence," agap ni Antonio na nakapagpahinto sa dalaga.
Umaalon ang dibdib niya dahil mga nagwawalang emosyon. Nawiwindang din ang isip niya sa mga naririnig sa dating amo.
"Kahit kailan, hindi ka nagsinungaling. Alam kong totoo ka sa lahat ng ginawa at sinabi mo sa mga araw na narito ka sa farm."
"Masyado kang perpekto, Antonio."
"Perpektong hindi karapat-dapat sa akin. Hindi ako bagay sa iyo. Hindi-"
"Mahal kita, Celine!"
Hindi alam ni Prudence kung anong tumama sa kaniya at parang nanigas ang buong katawan niya. Pakiramdam niya ay huminto ang tibok ng kaniyang puso.
Nakaawang ang labing banayad siyang tumingin kay Antonio. Nahigit niya ang paghinga nang muling magsalubong ang mga mata nilang parehong may mga luha.
"Mahal na mahal kita. Sana sapat na ang dahilan na iyon para manatili ka," garalgal na sambit ng binata habang nagsusumamo ang mukha.
"At kung pipiliin mo pa rin umalis, hindi ko maiipapangako sa iyo na hindi kita muling susundan."
"Ganoon kita kamahal-"
Hindi na nakatikis si Prudence. Hindi niya alam kung saan pa siya kumuha ng lakas ganoong manhid na ang buong katawan niya dahil sa bumabalot na kakaibang pakiramdam. Lumapit siya kay Antonio at siniil ang labi nito ng isang halik.
Hindi niya na kayang marinig ang nanggagaling sa bibig ng lalakeng pinakamamahal. Sapat na ang mga salitang iyon para tuluyang manalo ang puso niya sa pagkakataong ito.
Kung gaano siya kamahal nito ay higit ang nararamdaman niya rito noon pa man. Noong unang magtama pa lamang ang mga mata nila.
Kahit nagulat si Antonio sa ginawang biglaang paghalik ng dalaga ay mabilis din nawala iyon. At agad na tinugunan ang matamis na halik iyon. Kinabig niya rin ito sa bewang para tuluyang makalapit sa kaniya. Banayad niya rin itong hinawakan sa batok para bigyan ng diin ang kanilang mga halik.
Habang tila nag-uusap ang kanilang mga labi ay ramdam niya ang gustong sabihin ng puso ng dalaga. Ramdam niya sa bawat kilos ng mga halik nito ang tunay na nararamdaman para sa kaniya.
Dahan-dahan silang huminto, nanatiling magkadikit ang mga noo at mga tungki ng ilong. Tila nagpapalitan lamang sila ng hininga habang nakaawang pa rin ang mga labi.
"Mahal na mahal kita, Antonio," sambit ng dalaga sa pagitan ng bawat paghinga at pagtulo ng mga luha.
Tila may nag-aawitang anghel ang naririnig ni Antonio nang marinig iyon kay Prudence. Hindi na rin namalayan ng binata ang pagtulo ng luha at ngayon dahil na iyon sa hindi maiilarawang saya.
Muli niyang nahagkan sa labi ito dahil sa sobrang saya. Sandali lamang iyon at buong lakas ngunit may pag-iingat na binuhat hawak sa bewang si Celine at inihiga sa lupa.
Napakapit naman si Prudence sa magkabilang balikat ng binata dahil sa bahagyang pagkagulat. Matamis na nakangiti sa kaniya ang binata habang dahan-dahang inilapit ang katawan at mukha.
"Sabihin mo ulit, gusto kong marinig," pag-papaulit nito sa kaniya nang tuluyang mailapit ang mukha sa kaniya.
"H-ha?" tila ngayon na lang dinapuan ng hiya ang dalaga at naging mailap ang mga mata.
Masuyong hinawi ni Antonio ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa mukha niya. At marahang pinadausdos pababa ang dulo ng hintuturo sa kanang pisngi ng dalaga.
"Sabihin mo muli, Celine."
Napatingin siya dahil sa namamaos na boses nito at ang daliri nitong nilalaro pababa ang pisngi niya. Nang huminto ito sa labi at seryosong nakatitig doon ay muli siyang napatda.
Itinaas ni Antonio ang dalawang kilay para hintayin ang sasabihin ni Prudence habang nasa ibabaw nito. Bumuntong hininga lamang ang dalaga at hinawakan ang kamay niya na nasa labi nito.
"Mas gusto kong sabihin na hindi na ako aalis."
"Hindi na ako aalis ng flower farm mo. Mananatili ako rito kasama ka at ang mga mahal mong mga bulaklak."I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
Komento sa Aklat (196)
Share
Mga Kaugnay na Kabanata
Mga Pinakabagong Kabanata
good
8h
0jayjay mendoza
07/05
0good
17/11
0Tingnan Lahat