Gumuhit ang napakagandang ngiti sa labi ni Prudence habang nakatanaw sa labas ng bintana. Wala pa rin nagbago sa daan na tinatahak nila palabas ng Del Fierro flower farm. Kahit ilang buwan na ang nakalipas ay naroon pa rin ang matatayog na puno, ang berdeng-berdeng mga taniman, at palayan. Napakasarap pa rin damhin ang sariwa, malamig, at mabangong simoy ng hangin na ngayong dumadampi sa kaniya. Tinapunan niya ng tingin ang katabi at nagmamanehong si Antonio nang kuhanin ang kamay niya. "Pupunta ba tayo ng bayan?" "Oo." "Bakit?" "May clinic si Doc. Harry doon, magpapa-check up tayo." "Ayos naman na ang pakiramdam ko." "Mahalaga pa rin na matingnan ka ng doktor," katwiran nito. Tumango na lamang siya at hindi na nakipagtalo. Wala naman na rin mangyayari dahil papunta na sila. Sinulyapan na lang ng dalaga ang magkahawak nilang kamay bago tiningnan ang mukha ng binata. Nang marating nila ang bayan ay agad nga silang dumiretso sa clinic ng doktor. Nagkaroon ng ilang eksamen kay Prudence. Bago sila tuluyang lumabas. "Uuwi na ba tayo?" "May kikitain tayo sa isa sa mga restaurant dito," pormal na sagot ni Antonio. Nag-arko ang mga kilay niya at takang tiningnan ang binata. Seryoso ang mukha nito bago siya iginaya para maglakad. "Atty. Marasigan!" bati ni Antonio nang makalapit sa lamesa ng abogado. Nagkamay ang mga ito bago sinulyapan ang kahawak-kamay na dalaga. Ipinag-usod pa siya nito ng silya at hinawakan siya sa bewang. "Celine, siya si Atty. Marasigan. Attorney, this is Celine Dionisio," pormal na pakilala nito sa kanila. Kahit may pagtataka ay inabot ni Prudence ang kamay sa matandang lalake. May katabaan ito, maputi na rin ang clean cut style na buhok, nakasuot ng reading glass at pormal na pormal suot ang suit and tie. "Nice to meet you, Miss Celine Dionisio." "Ako rin po," pilit siyang ngumiti rito. Sabay-sabay na silang umupo. Sandaling dinalhan sila ng waiter ng makakain. Hinayaan naman siya ng binata kumain habang nakikipag-kwentuhan sa matandang abogado. "Tapos ka na?" bulong ni Antonio kay Prudence habang nakahawak sa bewang ng dalaga. Tumango lamang siya at ngumiti. Umayos ng pagkakaupo ang dating amo bago lumipad ang tingin kay Atty. Marasigan. "Katulad ng sinabi ko siya si Attorney Florencio Marasigan. He is our family attorney, he is a great friend of Lola Ambrose." "At siya ang magiging abogado natin once we file formally the case against Damien." "O-okay," Tumango-tango siya kahit medyo nagulat at naguguluhan. Hindi niya akalaing ito pa ang mag-iintindi ng kaso at ganoon ito kadesididong maparusahan ang kababata dahil sa nangyari. "Miss Celine, you are an actress right?" usisa naman ni Atty. Marasigan habang nakangiti. Saglit niyang tiningnan ang katabing si Antonio bago itinuon ang mga mata sa matanda. "Opo, Prudence po ang screen name ko at Celine Dionisio naman po off-cam," paliwanag niya. "Oh, I see. Fan mo ang apo ko, alam mo ba iyon?" "T-talaga po?" hindi niya napigilan ang maluluwag na ngiti sa labi. "Oo. Naalala mo ba iyong show mo na isa kang mermaid? Lagi kaming nasa beach ng batang iyon at laging nagpapanggap na isa siyang sirena," natatawang kwento nito. Nananatiling nakangiti si Prudence, hindi siya makapaniwalang may humahanga pa sa kaniya sa kabila nang unti-unting paglamlam ng ilaw niya bilang isang artista. "Sana ho ay makilala ko siya," tanging na sambit niya dahil sa umaapaw na galak sa puso. "Hindi ko akalain na kilala at boyfriend mo pa pala itong isa sa mga paborito kong kaibigan at kliyente." Matulin silang nagkatinginan ni Antonio. Nakita niya ang pag-aalinlangan sa mukha nito. Pero naaaninag naman niya sa sulok ng labi nito ang sumusungaw na ngiti. Nagpapasalamat naman siya dahil hindi na nito itinama ang sinabi ng matanda. Ganoon na rin siya, wala siyang balak itama ang pahayag na iyon. "Anyway, let's get down to serious matter." "As I talked to Antonio, he already told me the whole story." "We can sue Damien Savrino, for attempted rape and illegal detention. Ganoon na rin ang iyong manager, may I know kung anong totoo at buong pangalan ng handler mo?" Humawak na ito ng isang ballpen at itinapat sa papel. Nakahanda na ang ballpen ng abogado para isulat ang pangalang sasabihin ni Prudence. Pero hindi niya alam kung bakit parang nawalan siya ng lakas sabihin ang buong pangalan ng manager. Lalo na nang maalala niya ang una nilang pagkakakilala. Kung paano siya nito tinulungan, hindi man naging mabuti ito sa kaniya ng lubos. May tinatanaw pa rin naman siyang malaking utang na loob dito. "Celine, sandali!" Pilit na hinahabol ni Antonio ang nagmamadaling maglakad na dalaga. Marahan niya itong hinablot sa braso dahilan para mapaharap si Prudence. Kabababa pa lamang nila ng sasakyan at papasok na sa loob ng flower farm. "Anong problema?" "Bakit hindi mo sinabi ang pangalan ng manager mo?" tila nagagalit na ang anyo nito. Iniwasan niya ang tingin ng dating amo. Hindi niya magawang sabihin ang pangalan ni Choko kay Attorney Marasigan. Hindi niya kayang isipin na kakasuhan niya ito. Alam niyang may ginawa itong mali sa kaniya, pero higit pa rin ang kabutihan at pagtulong nito sa kaniya. "May kasalanan siya sa iyo at dapat niya iyong pagbayaran kasama si Damien," nayayamot na bigkas ni Antonio. "A-alam ko, pero malaki ang naitulong niya sa akin noon." "Pero pinagtangkaan ka niyang ibenta. Hindi, ibinenta ka na niya na parang isang, parang isang-" hindi matapos-tapos ang pahayag nito. Nagsalubong ang tingin nila at napansin ng binata ang maluha-luhang mga mata ni Prudence. Natigilan ito at tensyonadong napalunok. "Parang isang ano?" mapait na tanong ng dalaga habang pigil ang mga luha sa pagbagsak. "S-sorry," mapagkumbabang bigkas ni Antonio, bahagyang lumapit sa kaniya at hinawakan siya sa siko. "I'm sorry." Iniwas ni Prudence ang siko niya at ipinagpatuloy ang paglalakad. Naiwang nakapameywang ang binata habang hindi maipinta ang madilim na mukha. Alam niyang sumobra siya sa mga sinabi pero totooo lang naman ang narinig nito. Bakit ba kasi ayaw ng dalaga kasuhan ang manager niya gano'ng sapat naman ang dahilan? Higit sa lahat ginawan na siya nito ng hindi katanggap-tanggap? Masyado yata talaga itong may malambot na puso para palagpasin ang pagtatangka nitong ipahamak siya. Pero kahit sa anong anggulo tingnan ay dapat na maparusahan ang tao na iyon sa muntik na niyang kahinatnan.
I-download Novelah App
Maaari kang magbasa ng higit pang mga kabanata. Makakahanap ka ng iba pang magagandang kwento sa Novelah.
jayjay mendoza
07/05
0good
17/11
0nice
05/07/2025
0Tingnan Lahat