Kabanata 89

Napalinga si Prudence sa binatang kalalabas lamang ng comfort room, siya naman ay nakaupo sa kama at nakasandal sa headboard. Gamit ang tuwalya ay kinukuskos nito ang basang buhok. Nang walang anu-ano ay bumagsak ang ulan dahilan para magkatinginan sila. Kasunod pa ay malakas na kulog at matalim na kidlat.
Tumaas ang pagtatakip niya ng kumot sa kaniyang katawan. Napansin naman iyon ni Antonio. Lumapit siya sa kama at kinuha ang unan.
"S-sa guest room na lang ako matutulog."
"H-ha?"
Sinalubong nito ang tingin niya habang alangan ang hitsura. Siya naman ay walang ideyang nakatingala rito.
"E, kasi baka, naiilang ka."
Napaangat ang mga kilay ng dalaga at napatingin sa sarili. Kipkip niya ang kumot sa kaniyang bandang dibdib. Mukhang mali ito ng interpretasyon sa ginawa niya.
"A-"
"Sige na. Matulog ka na."
Pagkasabi no'n ay lumakad na ang dating amo palabas ng kwarto. Sa pinagdaanan nito ay mas magandang iparamdam niya sa dalaga ang garantiyang iginagalang niya ito at hindi aabusuhin ang sitwasyon.
Habang pinagmamasdan ni Prudence si Antonio na palabas ng kwarto. Kasabay ng mas malakas na ulan, kulog na namamayani sa katahimikan at ang kidlat na nagbibigay liwanag sa labas.
"Antonio."
Napahinto ito sa paglalakad at humigpit ang hawak sa dalang unan.
"P-pwede bang dito ka na lang, matulog?" nahihiyang tanong ng dalaga.
Lumingon naman si Antonio at nakita niya kung gaano ka-inosente ang mukha ni Prudence.
"Ayos lang ba sa iyo?"
"A-ayos lang. Isa pa naulan, kung lalabas ka pa ay baka mabasa ka lang. Atsaka, kwarto mo ito hindi ba?"
"No, it's fine. Sa baba lang naman ang guest room. Huwag kang mag-alala."
"Okay lang naman," medyo tumaas pa ang boses niya para lang kumbinsihin ang dating amo.
Saglit itong animo'y nag-isip bago siya muling binalikan ng tingin. Sa tantiya niya ay nag-aalangan pa rin ito dahil siguro sa nangyari, at dahil doon ay mas nahuhulog lamang siya sa pagiging maginoo ng binata.
Bumuga muna ng hangin si Antonio bago naglakad pabalik. Hanggang sapitin ang kaliwang parte ng kama. Muli niyang ipinatong ang unan at pailalim na tinitigan ang dalaga.
Sabay silang napatingin sa labas nang kumulog at parang pumasok ang kidlat sa loob ng kwarto.
"Sa tingin mo magkakaroon ng brown out?" tanong ni Prudence habang nananatiling nakatuon ang mga mata sa labas.
"Takot ka ba sa dilim?" tanong nito, umupo na sa kama at inayos ang hihigaan.
"Hindi naman."
"Talaga lang?" pangiti-ngiting tugon ni Antonio bago sumulyap sa kaniya habang humihiga.
"Humiga ka na," untag nito sa kaniya.
Tumalima naman siya at humiga na sa kama.
Habang nakahiga patihaya sina Prudence at Antonio ay namamayani sa kanila ang tunog ng ulan, kulog at paminsan-minsan pang matatalas na kidlat.
Hindi niya alam kung bakit bigla na lang silang naging komportable sa isa't-isa. Siguro dahil sa ganitong kalapit na sitwasyon. Hindi na siya nakatikis at tumagilid paharap sa binata.
"Pwedeng magtanong?" tanong niya.
"Go ahead," kaswal namang tugon nito habang nakatihaya pa rin at nakatitig sa kisame.
"Anong ginawa mo sa bayan?"
"May kinausap lang ako."
"Ahhh," mahaba niyang bigkas.
Nagulat si Prudence nang bigla kumulog kasabay ng kidlat at bumaha ang nakatatakot na dilim. Napayakap tuloy siya sa binata. Kahit bahagyang nagulantang sa tunog mula sa kalangitan ay mas tigalgal siya sa pagyakap ng kaniyang dating tauhan.
Napatingin naman siya sa sarili, sunod-sunod at nakabibingi ang kabog ng kaniyang puso habang nakayakap sa tiyan ng binata.
"S-so-sorry," paghingi niya ng pasensiya at dahan-dahang inaalis ang braso sa katawan nito.
Pero hinawakan ng binata ang braso ni Prudence at muling hinila pabalik sa katawan niya. Lumapit pa ito at tumagilid paharap sa kaniya kasabay nang pagyakap.
Habang nakakulong sa matitigas na bisig nito at kaharap ang malalapad na dibdib ni Antonio ay tumingala siya.
"Akala ko hindi ka takot sa dilim?" tanong nito sa kaniya.
"Hindi nga. Magkaiba ang takot sa nagulat," katwiran pa rin niya.
"Iba ka rin magulat. Yumayakap," pilyo ang ngiting sumusungaw sa labi ni Antonio.
Iginala ni Prudence ang mga mata sa madilim na paligid.
"Hindi ba magkakaroon ng kuryente?"
"One, two," bilang nito.
Napakunotnoo siya dahil sa sinasabi ng binata.
"Three," dugtong nito at bigla na lang nagkaroon ng ilaw ang lamp shade na nasa side table. Gumapang na rin ang liwanag sa buong silid.
"May generator ang flower farm," may kayabangan saad nito at banayad na itinungo ang ulo sa kaniya.
"Okay na," kaswal na kumalas at lumayo siya sa binata.
Nagtatagpo ang mga kilay ni Antonio na pinapanood ang dalaga.
"O, bakit?" tanong ni Prudence.
"Patayin ko kaya ulit 'yung genarator," blankong ekspresyong sambit nito.
Napangiti siya at tumango para sang-ayunan ang sinabi ng dating amo bago tumalikod.
Napailing na lamang si Antonio habang nakatitig sa likod ng dalaga. Masaya siyang makita na nagiging maayos na ang pakiramdam at nababawasan na ang bigat na mayroon ito.
At ngayong katabi niya si Celine sa kama na wala man lang pag-aalinlangan o takot na katabi siya ay nakatataba ng puso. Ibig sabihin lamang nito ay buo at labis siyang pinagkakatiwalaan ng dalaga.
Tiwalang hindi niya sasayangin sa kahit anong sitwasyon.
Marahan na lumapit si Antonio kay Prudence. Maingat niyang inilagay ang braso para yakapin ito patalikod.
Napakurap naman si Prudence sa kabilang dako. Pinakikiramdaman ang dating amo. Tiningan niya rin ang kamay nito na nasa tiyan niya. Banayad niya itong nilinga at nagkasalubong niya ang maamong mukha ng binata.
Tila naghihintay lamang nang magiging reaksyon niya. Tuluyan siyang humarap dito at yumakap.
"Salamat."
"Saan, sa generator?"
Napangiti si Prudence at yumakap nang mahigpit dito. Nararamdaman niya ang kamay nito na prenteng nasa likod niya.
"May pupuntahan tayo bukas, kaya mo na ba?"
"Oo, pero saan?"
"Bukas na lang. Matulog muna tayo nang ganito."
Mas lalong humigpit ang yakap ni Antonio sa kaniya. Kahit gusto niyang magreklamo sa pagkaipit niya sa malaking katawan ng binata ay hindi niya magawa.
Dahil gusto niya rin na ganito siya kalapit kay Antonio. Hindi ba't perpektong gawin na yakapin ang taong gusto mo habang malamig at naulan sa labas?
"Tulog ka na?"
"Oo," sagot niya.
"E, bakit nasagot ka pa?"
"Nagtatanong ka e!"
Dahil sa sagot ni Prudence ay tiningnan siya ni Antonio. Ngumiti siya rito dahilan para mapangiti rin ang binata. Isang halik sa noo ang ginawad niya sa dating tauhan bago muling yumapos.

Komento sa Aklat (195)

  • avatar
    MendozaEduardo

    jayjay mendoza

    07/05

      0
  • avatar
    Jake Padilla

    good

    17/11

      0
  • avatar
    AugustoJay-ar

    nice

    05/07/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata