Kabanata 88

"B-bago po ang lahat, gusto ko po sanang manghingi ng pasensiya sa inyo."
"Noong umalis ako ay hindi na ako nakapagpaalam ng maayos. Basta na lang ako umalis nang hindi man lang nakapagpapasalamat ng maayos sa inyo," paliwanag ni Prudence.
Kasalukuyan silang naglalakad sa labas ng bahay kasama ang matanda. Maganda ang sikat ng araw ganoon na rin ang malamig na hangin.
"Hindi ako impokrita para sabihing hindi ako nagalit sa nalaman ko," panimula at seryosong bigkas ni Ambrose.
"Naiintindihan ko po at ayos lang po iyon. Sabihin ninyo ang lahat sa akin."
Huminto ito sa paglalakad at humarap sa dalaga. Sa pagkakataon naman na ito ay sinalubong niya iyon. Inihanda ang sarili sa lahat nang maririnig mula rito. May karapatan naman itong magalit at sabihin ang kahit ano dahil sa mga nagawa niya noon.
"Alam kong may dahilan ka bakit pinili mong magsinungaling at itago ang totoong katauhan mo. Pero mali pa rin ang magsinungaling kahit sapat pa ang dahilan."
"Lalo na't nagsinungaling ka sa mga taong mahal mo at mahalaga sa iyo."
Naitungo ni Prudence ang ulo nang maramdaman ang tila paggalaw ng lalamunan dahil sa emosyon. Pinagdaupan niya ang mga sariling kamay.
"Mahirap magsabi ng totoo lalo na't alam mong may masasaktan o makasasakit ka. Pero hindi ba't mas maluwag sa pakiramdam ang magsabi ng totoo?"
"Wala kang aalahaning bukas na baka tuluyan nang malaman ang katotohanan. Kahit naiintindihan ko ang dahilan mo kaya hindi mo sinabi na isa kang artista at tinakbuhan ang buhay mo sa Maynila ay hindi pa rin iyon katangap-tanggap na rason."
"N-nang mga panahon na iyon, natatakot ako na magsabi sa inyo ng totoo. Noong magkakaharap tayo ni Antonio, baka kasi pabalikin ninyo ako at hindi hayaang manatili sa flower farm na ito," umiiyak niyang paliwanag at itinaas ang mukha.
"Natalo ako ng takot at hinayaan kong manaig ang kagustuhan na mailigtas ko ang sarili ko nang panahong iyon, dahil wala namang ibang tao na gagawa ng bagay na iyon para sa akin."
Rumehistro ang lungkot sa mga mata ni Ambrose. Naalala niya ang sinabi ng apo.
"Kaya nagawa kong hindi magsabi sa inyo ng totoo. Maniwala man kayo o hindi, ilang beses kong sinubukan na magsabi ng totoo sa apo niyo kaso lang," hindi niya alam kung anong isusunod niyang mga salita para dugtungan pa ang litanya.
"Bakit hindi mo ginawa?"
Naging sunod-sunod pa ang butil na mga luha na malayang lumalabas sa mga mata ni Prudence. Napangiti siya nang mapait.
"Ayoko siyang mawala."
"Ayokong mawala ang pagkakataon na makasama ko siya."
Nakapako ang mga maluha-luhang mga mata ni Ambrose sa dalaga. Sa pagkakataon na ito ay ramdam at tagos sa puso niya ang bawat salitang hinahayag nito.
"Sa tuwing kaharap ko siya ay naiisipan kong sabihin na isa akong artista na galing sa Maynila."
"Pero sa tuwing binubuksan ko ang bibig ko para mag-umpisang magsalita ay sumasagi na sa isip ko kung paano tatanggapin ni Antonio ang lahat."
"Magagalit ba siya?"
"Kakamuhian niya ba ako?"
"Mahalaga sa kaniya ang tiwala at pagsasabi ng totoo. Saksi ako roon nang magsinungaling si Teri sa kaniya."
"Nang araw na iyon ay mas nadagdagan pa ang pangamba ko na sabihin sa kaniya ang totoo."
"Pero binago mo siya, Celine."
Hindi na rin naawat ang mga luha ni Ambrose. Inabot nito ang kamay ng dalaga at nakangiting nakipagtitigan kay Prudence.
"Nakita ko kung paano mo nabago ang mga pananaw niya sa buhay."
"Sa aspeto ng tiwala, pagsasabi ng katotohanan, pakikinig sa paliwanag at sa pag-ibig."
Lumapit ang matanda sa kaniya at hinawakan ang magkabila niyang kamay.
"Nang maghiwalay sila ni Lily ay akala ko noon, nawawalan na siya ng interes sa pag-ibig."
"Pero isang maulang hapon, basang-basa siyang umuwi bitbit ang isang dalagang walang malay at may mga sugat sa paa."
Saglit siya napaisip, siya ba ang dalagang nasa kwento ng matanda? Sa pagkakatanda niya ay umuulan noong unang araw niya sa Benguet. Nang malaglag siya mula sa truck ay doon niya nasulyapan ang mukha ng binata.
"Oo, Celine, ikaw ang tinutukoy ko," Abot-tengang ngiting aniya ni Ambrose.
"Buhat ka ng apo ko habang kabadong-kabado ang hitsura. Nang mga sandaling iyon ay alam ko ng may koneksiyon siya sa iyo."
"At ganoon ka rin sa kaniya."
Pinunasan ni Prudence ang ilang luha sa pisngi. Nilinga niya ang matandang among nakaakbay sa kaniya na para bang magkaibigan lamang sila.
"Kung paano ko nalaman ay naramdaman ko lang."
"Kung paano at sa anong paraan ka tingnan ng apo ko."
"Madalas ka niyang pagtuunan ng pansin at lihim kang sinusundan ng tingin."
Hindi niya alam kung bakit ito sinasabi sa kaniya ng matanda. Hindi ba't parang binubuking na nito ang kaniyang apo?
"Nagmamalasakit siya sa iyo kahit noong una pa lang. At mas lalong tumindi pa iyon ngayon," naging seryoso naman ito sa huling sinabi.
Napabuntong hininga siya, bakit ba pakiramdam niya ay hindi siya kailanman karapat-dapat sa totoo, busilak at napakalinis na intensyon ni Antonio?
"Bakit gising ka pa?"
Bumaling ang tingin ni Prudence kay Antonio na paakyat ng hagdan. Nagpaalam ito kanina na pupunta ng bayan at inabot na nga ito ng maghapon. Hindi sinabi ng dati niyang amo kung anong pakay nito roon at hindi rin naman siya nagtanong.
Pinagmamasdan niya lamang ito habang naglalakad patungo sa kaniya. Hindi niya alam kung dahan-dahan ba itong naglalakad o sa paningin niya lang?
"Bakit hindi ka pa natutulog?" ulit nito nang makalapit sa kaniya.
Naging mailap naman ang mga mata ng dalaga at hindi alam kung saan o sasalubungin ba niya ang tingin ng binata.
"May problema ba?" nag-aalalang tanong naman ni Antonio.
"H-ha?"
"May nangyari ba habang wala ako?"
Mabilis niyang iwinagayway ang dalawang palad na nakaharap dito para salungatin ang inaakala nito. Napaatras ang isang paa niya nang bahagyang ibinaba nito ang mukha para sipatin ng malapit ang mukha niya.
Kinakabahan siyang napakurap-kurap at napalunok dahil sa walang ng puwang silang dalawa.
"Bakit ganiyan ang hitsura mo?" Nagtatagpong mga kilay na tanong nito.
"Wa-wala," umaatras na tugon ng dalaga.
Lumayo naman si Antonio pero nananatiling pinagmamasdan ang mukha ni Prudence. Inilagay niya ang mga kamay sa bulsa ng suot na slacks.
"Pumasok na tayo sa loob. Malamig na."
Nagpatiunang naglakad ang binata. Siya naman ay sinundan lamang ito ng tingin. Naalala niya ang sinabi ng Lola nito, sa kwento na nalaman niya ay pakiramdam niya ay napaka-espesyal at napakahalaga niya sa buhay nito.
Pero sapat na ba ang pakiramdam na ito para matalo ang pangamba at alinlangan sa puso niya?
"Tara na," muling binalikan ni Antonio ang dalaga, hinagip ang kamay at hinatak papasok sa loob ng silid.

Komento sa Aklat (196)

  • avatar
    LimareRose

    good

    8h

      0
  • avatar
    MendozaEduardo

    jayjay mendoza

    07/05

      0
  • avatar
    Jake Padilla

    good

    17/11

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata