Kabanata 44

"Next day na 'yon, tama?" singit ni Lily at tumingin kay Damien.
"Oo."
"Naku, pakisabi kay Tita Gloria na baka hindi ako makapunta," sagot nito.
"Bakit? Expected na niya na-aatend ka," giit ni Damien.
Tinapunan ng tingin ni Lily si Antonio na nakatanaw lamang sa labas.
"Nagpasama kasi ako kay Antonio, pupuntahan namin 'yong puntod ng kapatid ko. Death anniversary kasi ni kuya Jay."
Napasulyap naman si Prudence sa amo. Wala itong kibo at nakahawak lang sa tasa ng kape. Wala rin siyang mabasang emosyon sa blankong mukha nito. Hindi naman nito tinama ang sinabi ni Lily, ang ibig sabihin ay sasamahan niya nga ito kung saan.
"Oo nga pala, I'm sorry. I am sure maiintindihan naman ni Mom. Anyways, Celine, ikaw sumama ka ha?" magiliw na bigkas ni Damien at binato ang tingin sa kaniya.
"S-sige," hindi niya alam kung bakit pumayag siya sa imbitasyon nito kahit labag sa loob niya. Hindi namang pwede ang amo niya lang ang may lakad at may kasamang iba.
"Talaga? Salamat, susunduin kita-"
Napahinto sa pagsasalita si Damien nang tumayo si Antonio at sinulyapan ang dalagang katabi.
"Tara na. Umuwi na tayo."
Agad itong tumalikod. Sandaling magkahulugan na nagkatinginan silang tatlo bago tumindig si Prudence, nagpaalam muna siya sa mga kaharap bago nagmamadaling habulin ang amo.
Wala silang kibuan habang nasa biyahe. Lihim naman niyang sinulyapan ang amo. Madilim na madilim ang anyo nito na parang bwisit na bwisit sa buhay. Hanggang sa makarating sila sa flower farm ay marahas nitong hinubad ang seatbelt at hinampas ang pinto ng sasakyan nang makababa.
Bumaba si Prudence habang puno ng pagtataka ang mukha. Nasundan na lang niya ng tingin ang binata.
Maghapong hindi sumipot si Antonio sa farm. Habang nakahiga siya sa kama ay hindi niya maalis sa isip ang sinabi ni Lily tungkol sa relasyon ng mga ito. Kung hindi sila officially break, ibig sabihin may something pa rin ang amo at ang plastik na florist na 'yon. Galit lang siguro ang amo niya pero mahal pa rin nito ang nobya.
Para namang may kumurot sa puso ni Prudence sa pag-iisip at pagsasalaysay sa isip na pwedeng mangyari. Kung mahal pa ng binata ang dating nobya. Ang ibig sabihin lang no'n ay walang espesyal na nararamdaman ito para sa kaniya.
"Ang saklap naman," buong sarkasmo niyang usal at mariing itinaklob sa mukha ang unan.
Maagang nagising si Prudence, naligo at nagbihis siya kung sa mga araw ng trabaho ay lagi siyang nakasuot ng simpleng blouse, may patong na long sleeve polo at maluwag na maong na pantalon. Iniba naman niya ngayong day-off niya. Nagsuot siya ng malambot at kulay itim na palda lagpas tuhod, sa pang-itaas naman ay knitted long sleeve na kulay mint green. Inilugay niya ang buhok at iniayos ang bangs.
Day-off niya at napagkasunduan nila ni Teri na mamasyal sa bayan bago magpunta sa flower farm nila Damien, kung hindi magbabago ang isip niya.
Habang nakaangkla ang braso ni Teri kay Prudence ay naglalakad sila sa palengke ng bayan. Napagdesisyunan nilang kumain, mamili ng kung anu-ano pampalipas oras. Hanggang magdapit-hapon ay nagpaalam si Teri na bibisitahin ang kamag-anak sa isa sa mga baranggay dito. Niyaya naman siya nito pero tumanggi siya. Oras ng kaibigan niya iyon para sa pamilya at ayaw niyang makaistorbo.
Naglakad-lakad lang ang dalaga sa paligid. Nabuo ang desisyon niyang huwag na lang pumunta sa kaarawan ng nanay ni Damien. Hindi naman niya kilala iyon at lalong hindi siya kilala no'n, hindi naman big deal kung wala ang presensiya niya roon.
Habang nakaupo sa isa sa mga bench ay naglalaro sa isip niya ang amo at ang dalagang kasama nito. Ganoon yata kalalim ang samahan ng dalawa at talagang sinamahan pa nito si Lily sa ganoong mga araw ng pamilya nito.
Hindi maiwasan ni Prudence mainggit. Sana ganoon din si Antonio sa kaniya. Pero aasa pa ba siya? Ilang buwan lang silang magkakilala at magkasama ng binata. Kalabisan kung hihilingin niyang magkaroon ito ng pakealam sa buhay niya.
Isa pa, nagsinungaling at patuloy siyang nagsisinungaling dito. Iyong totoong tungkol sa buhay niya, kung sino talaga siya ay hindi pa niya nasasabi. Dumadating din naman sa puntong sa tuwing tinititigan niya ito ay naiisip niyang sabihin na ang lahat.
Kaso may takot sa puso niya na baka magalit at paalisin siya nito sa flower farm. Sa maikling panahon na narito siya ay napamahal na siya sa lugar at mga tao rito lalo na sa amo. Kaya baka hindi na niya kayaning mabuhay ng hindi rito nakatira.
Pero paano sa oras na dumating ang araw na sumabog na ang sikreto niya?
Na isa siyang sinungaling at naggawa lamang ng kwento para takasan ang buhay na inaayawan na niya?
Anong magiging reaksyon ng kaniyang amo?
Amo na pinahahalagahan ang tiwala at ayaw sa sinungaling?
Napapikit si Prudence ng mariin. Mas lalo lang naghalo-halo ang emosyon sa puso niya. Mas lalo lang siyang natakot na baka tuluyang mawala sa kaniya si Antonio kahit bilang amo na lang.
Madilim na nang makauwi ang dalaga. Nakisabay siya sa sasakyan ng kasamahan na saktong nasa bayan. Madilim at malamig na ang paligid nang maglakad siya papasok ng flower farm. Naisip niyang dumaan sa mismong taniman para hindi na makita ang bahay ng amo.
Walang nilikhang tunog ang bawat yapak ni Prudence. Gusto niyang sulitin at damhin ang ganitong perpektong eksena. Madilim man ay nagbibigay ng kaunting liwanag ang mga maliliit na ilaw na nakasabit sa paligid at ang ilang poste sa bawat hanay ng mga bulaklak.
Napasinghap siya nang may humawak sa braso niya at pigilan siya sa paglalakad. Nang humarap siya ay nahigit niya ang paghinga. Nagtama ang mga mata nila ni Antonio. Kahit na may kadiliman at nasa likod nito ang ilaw ay sigurado siyang matigas ang anyo ng amo at galit.
"S-sir."
Nagpalinga-linga ang binata sa paligid bago marahan pero may pagpupumilit na hinila ang dalaga sa 'di kalayuan. Sa pagkabigla ay hindi na nakapagsalita ang dalaga at nagpaanod nalang sa among walang balak na bitawan siya.
"S-sir, teka lang, saan ba tayo pupunta?" tanong ni Prudence nang tahakin nila ang daan papunta sa mga taniman ng rosas.
Sa halip na sumagot ay mas binilisan lang nito ang paglalakad, awtomatikong huminto at binitawan ang braso niya nang marating ang harapan ng taniman ng mga rosas.

Komento sa Aklat (195)

  • avatar
    MendozaEduardo

    jayjay mendoza

    07/05

      0
  • avatar
    Jake Padilla

    good

    17/11

      0
  • avatar
    AugustoJay-ar

    nice

    05/07/2025

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata