DOKTORA

Nakasakay si Jane, isang doktora sa kaniyang kotse ng mga sandaling iyon pauwi sa kaniyang tahanan galing sa hospital na pinagtratrabahuhan. Naisipan niyang dumaan sa palengke para bumili ng kaniyang lulutoing pagkain para sa hapunan. Nang makarating sa palengke at mai-park sa isang tabi ang kaniyang kotse, lumabas na siya at nagtungo sa suki niya na nagtitinda ng karne. Binati siya ni Stella ng makalapit siya sa tindera.
"Magandang hapon, doktora. Mukhang maaga po ang uwi ninyo ngayon," nakangiting bati nito. Ngumiti rin si Jane pabalik.
"Opo. Para makapagpahinga rin po ng maaga," tugon naman niya. Binati rin siya ng mga naroon na mga tindera. Kilala si Jane ng mga ito. Kahit doktora siya ay hindi kakikitaan sa kaniya ang pagmamataas. Laki kasi siya sa hirap at dahil sa pagpupursige ng kaniyang magulang ay nakapagtapos siya. Kahit malayo na ang narating ng dalaga, naroon pa rin ang pagpapakumbaba at pagiging mabuting tao. Matapos makabili, kinuha na niya ang plastic kay Stella. Akmang aalis na siya ng may lalaking lumapit sa kaniya at inilahad ang palad sa kaniyang harapan.
"Palimos po," nagmamakaawa nitong sabi. Akmang kukuha na si Jane ng pera sa kaniyang pitaka ng magsalita si Stella.
"Naku, doktora. Huwag mong lakihan ang ibibigay mo diyan at baka ipangsugal lang niya!" nakasimangot na sabi nito. Sumang-ayon din ang mga naroon na tindera. Sinabi ng mga ito na araw-araw itong namamalimos at baka ipinangsusugal lamang ang pera.
"Ano ba kayo. Dapat lagi tayong maging mabuting tao dahil tiyak na susuklian ng Diyos ang ginawa nating kabutihan," wika niya saka binigyan ng dalawang daan ang pulubi.
"Ibili mo ng makakain mo iyan, okay?" sabi niya. Nagpasalamat ang pulubi kay Jane saka umalis na. Siya naman ay nagtungo sa kaniyang kotse at pinasibad iyon pabalik sa kaniyang dalawang palapag na bahay. Sakto lamang iyon lalo at siya lamang ang nakatira roon. Nasa probinsiya kasi ang kaniyang magulang at nagpapadala na lamang siya ng pera sa mga ito. Katuwang ang kaniyang bunsong kapatid na si Jasmine. Habang kumakain, hindi mawaglit sa isipan ni Jane ang pulubi. Hindi niya alam pero magaan ang loob niya rito. Kinaumagahan, habang patungo siya sa hospital at napadaan siya sa isang iskinita. Kumunot ang noo niya ng makita ang pulubi na naglalakad. Huminto siya sa tapat nito saka lumabas ng kotse. Naaawa si Jane sa pulubi dahil nakikita niya ang sarili noong sila ay walang-wala. Kung kani-kanino lumalapit ang kaniyang ina may maipang-tuition lang siya. Gusto niya itong tulungan dahil nakikita niya ang sarili rito.
"Manong!" sigaw niya. Huminto ito at lumingon sa kaniya. Nanlaki ang mga mata nito.
"Doktora," sabi nito. Lumapit siya dito at hinawakan ang madungis nitong kamay. Nagtatakang tiningnan ang pulubi ang kamay ni Jane na nakahawak sa kaniyang kamay.
"Saan tayo pupunta, doktora?" tanong ng pulubi.
"Sa bahay. Magpapalit ka ng damit. Kailangan maging malinis ka at syempre gusto kitang tulungan," sabi niya. Hindi naman na nagprotesta pa ang pulubi. Pumasok na ito sa kaniyang sasakyan. Habang daan ay tinatanong ni Jane ang pangalan ng pulubi, edad at kung taga saan ito. Nagpakilala rin siya rito. Nalaman din niyang binata pa ito.
"Bakit mo ako gustong tulungan?" tanong ng pulubi. ngumiti siya.
"Dahil nakikita ko ang sarili ko sa 'yo. Iyong ang mahirap humingi ng tulong at pagsasabihan ng masasakit na salita," paliwanag ni Jane. Napatitig na lamang ang pulubi sa kaniya. Paghanga ang makikita sa mga mata nito.
Nang marating nila ang bahay ay agad na niyang inakay si Nathan sa bathroom sa first floor. Habang naliligo ito ay naghanap na si Jane ng isusuot ni Nathan. Mabuti na lang at may naiwang damit ang kaniyang kapatid na lalaki ng minsang nakitulog ito sa bahay niya. Inilagay niya iyon sa tabi ng pinto at sinabi kay Nathan na naroon ang isusuot nito. Tinawagan niya si Cynthia, ang kasamahan niyang doktor na may emergency siya kaya ma-la-late siya ng pasok. Pagkatapos maligo ni Nathan, at makalabas ng CR. Hindi maiwasang mapa-titig ni Jane rito. Hindi niya akalain na may tinataglay pala itong kaguwapuhan. Tumikhim siya.
"Kain ka muna, Nathan. Okay lang ba na dito ka muna sa bahay? Kailangan ko kasi pumunta sa hospital," sabi niya. Ngumiti ang lalaki.
"Sige. Salamat sa pagpapatuloy mo sa 'kin rito Jane. Tatanawin kong malaking utang na loob ito sa 'yo," sinserong sabi ni Nathan. Ngumiti lamang siya at nagsimula ng ipaghain ito. Hindi akalain ni Jane na may tinatago palang humor ang binata dahil habang ipinaghahanda niya ito ng pagkain ay nagbibiro ito. Kaya mas lalong gumaan ang pakiramdam ni Jane. Alam niyang hindi siya nito gagawan ng masama. Nang makaalis ang dalaga, nagtungo si Nathan sa telepono at tinawagan ang kaniyang ama.
"Nakilala ko navpo ang babaeng makakasama ko sa pagtanda. Babaeng may mabuting kalooban," sabi ni Nathan. Nang matapos ang tawag. Naglinis siya ng bahay sa kung ano ang alam niya. At pagsapit ng hapon, nagluto na rin ang binata ng hapunan nila ni Jane para pagdating nito ay kakain na lamang sila. Pagdating ng dalaga galing hospital, ganoon na lamang ang pag-awang ng kaniyang labi ng madatnan ang bahay na malinis at maayos. Lumabas sa kusina si Nathan.
"Good afternoon, nakapagluto na ako ng hapunan natin. Magbihis ka na para makakain na tayo," nakangiting sabi nito. Ngumiti siya.
"Sige at magbibihis lang ako," paalam ni Jane at nagtungo na sa kaniyang silid. Natutuwa siya dahil hindi pala pabigat si Nathan bagkus ay nagkaroon pa siya ng katuwang sa bahay. Habang tumatagal, ay nahuhulog ang loob ni Jane kay Nathan. Minsan kasama niya ito sa pamimili at hindi nakaligtas ang lalaki sa pang-aalipusta ng mga tindera. Sabi ng mga ito na pineperahan lamang niya ang doktora ngunit laging ipinagtatanggol ni Jane si Nathan.
"Hay naku, doktora. Pinapayuhan ka na namin ngayon pa lang. Ganiyan ang modus ng mga magnanakaw. Kuwari, magiging mabait sa umpisa pero kapag nakuha na ang loob mo doon ka na nananakawan. Kaya mag-iingat ka," payo sa kaniyang ni Stella ng minsang bumili siya. Ngumiti siya.
"Tatlong linggo na kaming magkasama at nakita ko na may mabuti siyang kalooban," depensa ni Jane. Tumawa lamang ang tindera. Nainsulto man siya ay hindi na lang niya ito pinansin. Siya ang mas nakakakilala kay Nathan at hindi siya dapat basta naniniwala sa mga sinasabi ng mga ito dahil hindi naman nila lubos na kilala ang binata.
"Pasensiya ka na. Dahil sa 'kin pnagtatawanan ka nila. Gusto mo ba na umalis na lang ako?" masuyong sabi ni Nathan habang sila ay nasa salas at nanonood ng TV. Hinawakan ni Jane ang kamay nito saka pinakatitigan.
"Hindi mo kailangang gawin iyon, Nathan. Dito ka lang. Masaya ako kapag kasama kita. Ngayon ko lang naranasan ang ganito. Masaya pala kapag may kasama ka. Dati, sapat na sa 'kin na ako lang ang narito sa bahay at walang iniisip. Pero mas masarap pala tumira kapag may kasama ka na nag-aalala at may nag-aasikaso sa iyo," sabi niya. Dahan-dahan inilapit ni Nathan ang labi kay Jane at binigyan ng masuyong halik. Nang gabing iyon ay may namagitan sa kanila. 
Makalipas ang ilang buwan, napansin ni Jane ang pagbabago sa kaniyang sarili. Minsan wala siya sa mood na gumising ng maaga pero kailangan niyang pilitin ang sarili. Mabuti na lang at nariyan si Nathan para alalayan siya. Minsan ng mapadaan siya sa palengke ng hapon na iyon. Bigla siyang nag-crave ng tinapa. Eh, hindi naman siya kumakain ng ganoon.
"Aba! Himala, doktora bumili ka ng tinapa!" bulalas ni Aling Sonya na nagtitinda ng tinapa. Ngumiti siya.
"Nag-crave po kasi ako bigla," sagot niya. Tumawa ang ilang mga tindera na naroon. 
"Naku baka buntis ka na doktora. 'Di ba kasama mo iyong pulubi sa bahay niyo? Doktora, namili ka sana ng mas maayos na lalaki. Magiging kawawa ka lang doon. Maganda ka at maraming magkakagusto sa 'yo na binata na kagaya mo rin na doktor. Huwag kang magtiyaga sa lalaking iyon," pang-iinsulto ni Aling Dina na nagtitinda ng gulay. Hindi na siya nakapagtimpi pa.
"Huwag niyo naman sana husgahan iyong tao. Mabuting tao si Nathan at kahit ako lang ang nagtratrabaho sa 'min ay ayos lang. At least pagdating ko galing hospital ay may pagkain na. Kaya may naitutulong siya sa 'kin," matigas niyang sabi.
Gustong tumulo ng luha niya dahil nasasaktan siya sa mga sinasabi ng mga ito. Mas masahol pa ang ugali nila kaysa sa mga pulubi sa lansangan. Sa totoo lang, ayaw sana ni Jane na bumili pa dito pero ayaw niyang ipakita na tama ang mga ito. Sa ngayon ay gusto na muna niyang magkaroon ng peace of mind kaya sa ngayon hindi muna siya dito bibili para na rin sa ikabubuti niya. Pagdating niya ng bahay ay ikwenento niya iyon kay Nathan. Walang ibang nagawa ang binata kundi ang yakapin si Jane at palakasin ang loob nito. Nang mga sandaling iyon ay may naiisip na si Nathan para hindi na pinagtatawanan si Jane. Alam niyang tinitiis lamang ng dalaga ang mga sinasabi ng tindera dahil ayaw niyang isipin ng mga ito na guilty siya.
"Nathan, gusto ko ng siomai. Puwede mo ba ako ibili?" tanong ni Jane ng tanghaling iyon ng linggo. Off iyon ni Jane at nakahilata lamang siya sa kama. May kutob na si Nathan na baka buntis ang dalaga. Hinalikan niya ito sa pisngi.
"Aalis na ako para bumili ng siomai," sabi niya.
"Sa iba ka na bumili, Nathan. Baka mamaya laitin ka nila doo," nag-aalalang sabi nito. Umiling siya.
"Hindi, Jane. Haharapin ko sila. Hindi ako magpapaapekto sa mga sinasabi nila," matatag na sabi ni Nathan.
Nang nasa bayan na si Nathan. Naghanap siya ng puwedeng bilhan ng siomai. At sa minalas-malas naman si Stella pa ang may tindang siomai. Sinuyod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa.
"Akalain mo nga naman nagmukha kang tao. Lubayan mo na si doktora, hindi ka nababagay sa kaniya! Sa isang mayaman na lalaki siya nababagay hindi gaya sa 'yo!" sigaw nito. 
"Wala akong nakikitang mali kung mahalin ko si Jane. Handa kong gawin ang lahat sa kaniya dahil mahal ko siya. Hindi kayo ang magdedesisyon kung sino ang mamahalin niya," matigas na sabi ni Nathan. Matapos mabili ang siomai. Tumalikod na siya ngunit hahakbang siya ng magsalita si Aling Dina.
"Napakabait ni Doktora Jane huwag mo sana abusuhin iyon. Kumayod ka at patunayan mo na karapat-dapat ka sa kaniya. Aba, eh ilang buwan ka na doon pero hanggang ngayon wala ka pang trabaho," sabi nito at nagtawanan ang mga kasama nitong tindera. Hindi na lang pinansin niya pinansin ang mga ito at nagtuloy-tuloy ng umalis. 
Pagdating niya ay agad niyang iniluto ang siomai para kay Jane. Pagkatapos magluto, ay dinalhan niya ng siomai sa silid ang dalaga. Habang kumakain ito ay ipinagtapat ng doktora na buntis siya. Ganoon na lamang ang sayang naramdaman ni Nathan ng malaman iyon.
"Mahal na mahal kita, Jane. Sana hayaan mo muna ako na umalis dito. May aasikasuhin lang ako para sa future ng magiging anak natin at future ng pamilya natin. Tatlong buwan lang ako mawawala. Pagdating ko sisiguraduhin ko na magigng maayos ang lahat," determinadog sabi niya habang nakatitig sa mga mata ng dalagang minamahal. Ang akala ni Jane ay maghahanap ito ng trabaho. Labag man sa kalooban niya ay pinayagan niya si Nathan. Ayaw niyang ipagkait iyon sa lalaking minamahal para hindi na ito minamaliit ng ibang tao. 
"Oo pinapayagan kita, Nathan. Hihintayin kita. Mahal na mahal rin kita, Nathan," puno ng pagmamahal na sabi ni Jane. Kinabukasan lang din ay umalis na ang binata. Hindi maiwasan na tumulo ang luha sa mga mata ni Jane habang nakatitig sa picture frame nila. Napahimas siya sa kaniyang tiyan. Apat na buwan na ang nasa kaniyang sinapupunan at tatlon buwan na rin ang nakakalipas simula ng umalis si Nathan. Minsan nawawalan na siya ng pag-asa pero nilalakasan niya ang loob niya at alam niy na tutuparin ni Nathan ang pangako nito sa kaniya. 
Huminga ng malalim si Nathan pagkatapos ng meeting niya sa mga investors ng tanghaling iyon. Ganap ng naipasa sa kaniya ang kompanya. Isa na siyang CEO. Napangiti siya ng maisip si Jane. Namimiss na niya ito at gusto na niyang makita. Kaya naman ginawa niya ang lahat maging karapt-dapat lamang siya rito. At ngayon na CEO na siya ay hindi na ito lalaitin ng iba. Tumayo siya.
"I need to go, dad. May kailangan pa akong puntahan," seryuso niyang sabi. Ngumiti ang kaniyang ama na saksi sa pagpupursige niya. Alam din ng kaniyang ama ang ginawa niya. Ang pagpapanggap ng isang pulubi dahil gusto niyang makita ang babaeng may magandang puso at hindi tumitingin sa estado sa buhay. Babaeng hindi mamahalin ang kayamanan na mayroon siya. May mga naging kasintahan siya na ang hangad lang ang kayamanan na makakamit niya. Kaya naman nagpanggap siya bilang pulubi para makita ang babaeng mamahalin niya. Alam din ng kaniyang ama na nagmamahal siya ng doktor at buntis na ito.
"Sige na punta ka na. Tiyak na nalulungkot na iyon dahil wala ka pa," Ngumiti siya at lumabas na ng opisina at nagtungo sa kaniyang Sedan saka sumakay. 
"Sa wakas makakasama na kita ng matagal, Jane. Pagsisisihan ng mga nanlait sa kin at sa 'yo ang mga sinabi nila," seryuso niyang sabi. Habang nasa daan ay may naisip na plano si Nathan. Pagkarating niya sa palengke ay natanaw na niya mula sa sasakyan ang mga tindera na abala sa pagtatawanan. Lumabas siya at naglakad patungo roon.
"Magkano po rito?" tanong niya kay Stella. Lumingon sa kaniya ito mula sa pakikipag-usap. Napatingin rin sa kaniya ang iba. Nanlalaki ang mga mata ng mga ito ng mamukhaan siya.
"Na--than?" tanong ng mga ito at sinuyod siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Ngumiti siya ng nakakaloko.
"Oo ako nga. Nagulat kayo?" 
"Bakit ganiyang ang ayos mo?" hindi-makapaniwalang tanong ni Stella. Kinuha niya sa kaniyang pitaka ang kaniyang ID bilang isang CEO at ibinigay iyon rito. Natulos ito sa kinatatayuan. Kitang-kita ang pagsisisi sa mukha nito.
"Patawarin niyo kami, Sir Nathan. Hindi po namin sinasadya ang mga nasabi namin. Ayaw lang namin mapunta sa maling tao si Doktora Jane. Nagkamali kami ng taong hinusgahan. Pasensiya kung nahusgahan namin kayo," puno ng pagsisisi na sabi ni Stella. Humingi rin ng tawad ang mga tindera na naroon. Huminga siya ng malalim.
"Huwag kayong magmaliit ng ibang tao. Lahat tayo ay pantay-pantay lamang. Hindi mo alam na iyong taong minamaliit ninyo ay iyon pala ang aangat sa buhay ng hindi ninyo namamalayan. Humingi kayo ng tawad kay Jane. Naging mabuti siya sa inyo. Kahit may mga sinasabi kayong hindi maganda sa kaniya. Lagi pa rin siyang bumibili sa inyo," aniya. Tumango naman ang mga ito at nangako na hihingi ng tawad sa ginawa. Siya naman ay umalis na at binagtas ang daan patungo sa bahay ng dalaga. Nasasabik na siyang makita ito at mahawakan ang maumbok nitong tiyan.
Nang makarating si Nathan sa bahay ni Jane. Agad niyang pinindot ang doorbell. Ilang sandali lamang ang hinintay niya ng bumukas ang gate at bumungad sa kaniyang harapan ang dalaga. Napatittig ito sa kaniya.
"Nathan?" hindi makapaniwala nitong tanong saka sinuyod siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Napatingin rin ito sa kaniyang sasakyan. Ngumiti siya at niyakap si Jane.
"Sorry kung ngayon lang ako nakabalik. Ang dami ko kasing kailangan na ayusin para sa kompanya," pagbibigay-alam niya. Kumunot ang noo nito.
"Kompanya? Mayaman ka?" naguguluhan nitong tanong.
"Puwede bang pumasok sa loob para doon ko sabihin ang lahat?" pakiusap ni Nathan. Alam ni Nathan na puwedeng magalit sa kaniya si Jane dahil sa pagsisinungaling niya. Handa niyang harapin ang mga consequences ng paglilihim niya. Pumayag naman si Jane at ng nasa salas na sila ay ipinaliwanag niya ang ginawa niya. Simula sa pagpapanggap na maging pulubi para mahanap ang babaeng may mabuting puso. Lahat ipinaliwanag niya. Humingi si Nathan ng tawad kay Jane sa ginawa niya at kung itatakwil siya nito ay tatanggapin niya iyon ng maluwag sa kaniyang loob. Hinawakan ni Jane ang kamay niya saka ngumiti.
"Pinapatawad na kita, Nathan. Kung itatakwil kita, paano ang magiging anak natin? Kailangan niya ng ama. Mahal na mahal kita, Nathan. Alam kong nagawa mo iyon dahil kailangan. Ang mahalaga ipinagtapat mo ang totoo. Handa kong kalimutan lahat iyon at magsimula tayo ng panibagong buhay," puno ng sinseridad na sabi ni Jane. Siniil ng halik ni Nathan ang dalaga dahil sa kabutihan nito. Ipinapangako niya na magiging mabuti siyang ama at asawa rito kung sakaling ikisal na sila. Samantala, kinumagahan ay nagtungo sina Nathan at Jane sa palengke. Humingi ng tawad ang mga ito sa dalaga. Handa namang magpatawad si Jane dahil nakita niya ang sinseridad ng mga ito sa paghingi ng tawad. Pagkatapos makapanganak ni Jane at ilang buwan na rin ang sanggol ay nagpasya na silang magpakasal. Sa buhay, huwag mong mamaiitin ang nasa ibaba. Hindi mo alam ang puwedeng mangyari sa hinaharap. Malay mo iyong minamaliit mo ay bigla na lamang aangat sa buhay. Huwag maging maramot sa pagtulong lalo at kaya mong tumulong dahil doble ang balik niyon sa 'yo.

Book Comment (272)

  • avatar
    AcabalAbigail

    I like the story

    29/04

      0
  • avatar
    LasyanSaid

    tanc

    28/09/2025

      0
  • avatar
    SuleimanAminu

    Nice one

    25/09/2025

      0
  • View All

Related Chapters

Latest Chapters